MANILA, Philippines – Inaasahang makararanas ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan ang apat na lalawigan sa Luzon sa susunod na tatlong araw dahil sa shear line, ayon sa PAGASA nitong Huwebes, Nobyembre 19.
Kabilang sa mga lalawigang posibleng makatanggap ng 50 hanggang 100 milimetrong ulan ang Cagayan, Isabela, Apayao at Aurora.
Nagbabala ang PAGASA na maaaring magdulot ang pag-ulan ng pagbaha sa mga urban area, mabababang lugar at komunidad na malapit sa mga ilog. Posible rin ang pagguho ng lupa sa mga lugar na madaling maapektuhan nito.
Ayon sa ahensiya, maaaring mas mataas ang dami ng ulan sa mga bulubundukin at matataas na lugar. Maaari ring lumala ang epekto nito sa mga lugar na nakaranas na ng malakas na pag-ulan nitong mga nakaraang araw.
Pinayuhan ang mga residente at lokal na disaster risk reduction and management offices na magpatupad ng mga kinakailangang pag-iingat upang maprotektahan ang buhay at ari-arian.
Samantala, magdadala ang amihan ng panaka-nakang mahinang pag-ulan sa Batanes at Babuyan Islands.
Inaasahan namang magdudulot ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ) ng kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog sa Caraga, Davao Region, Soccsksargen, Leyte at Southern Leyte, gayundin ng panaka-nakang pag-ulan sa iba pang bahagi ng Mindanao.
Sa nalalabing bahagi ng bansa, pangkalahatang magiging maaliwalas ang panahon dahil sa easterlies, bagaman posible pa rin ang panaka-nakang pag-ulan at pagkulog. RNT/MDS