Home NATIONWIDE SC: Hindi agarang pagtutol sa kawalan ng barangay conciliation, nangangahulugan ng pag-waive...

SC: Hindi agarang pagtutol sa kawalan ng barangay conciliation, nangangahulugan ng pag-waive sa karapatang ipa-dismiss kaso

8
0

MANILA, Philippines – Nagpasya ang Korte Suprema na hindi na maaaring igiit ang kawalan ng barangay conciliation bilang dahilan para ipa-dismiss ang kaso kung hindi ito agad naipahayag sa unang pagkakataong makapagsumite ng sagot ang nasasangkot na partido.

Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Maria Filomena D. Singh, ibinasura ng Third Division ang petisyon ng mag-asawang Virgilio at Ma. Estrelita Guasis at pinagtibay ang kautusan ng Court of Appeals na paalisin sila sa property na ibinenta nila kina Manuel at Edna DC Millan.

Binili ng mag-asawang Millan ang property noong 2008 sa halagang P8.46 milyon, ngunit P750,000 lamang umano ang naibayad. Nanatili sa property ang mag-asawang Guasis sa kabila ng paulit-ulit na pagpapapaalis sa kanila, dahilan upang magsampa ng unlawful detainer case ang mga Millan.

Ipinunto ng mag-asawang Guasis na walang bisa ang bentahan at dapat ibasura ang kaso dahil hindi ito dumaan sa barangay conciliation.

Ayon sa Korte Suprema, bagama’t itinatakda ng Revised Katarungang Pambarangay Law ang barangay conciliation, dapat igiit ang hindi pagsunod dito sa pinakaunang pagkakataon, gaya ng pagsagot sa reklamo. Hindi na ito maaaring ihabol lamang sa position paper, gaya ng ginawa ng mag-asawang Guasis.

Nilinaw din ng SC na hindi maaaring resolbahin sa unlawful detainer case ang usapin ng hindi pa lubusang pagbabayad sa property. Dapat itong ihain sa hiwalay na kaso sa Regional Trial Court.

Tumutol naman si Associate Justice Alfredo Benjamin S. Caguioa sa desisyon. Aniya, contract to sell ang naging transaksyon kaya nananatili sa nagbenta ang pagmamay-ari hangga’t hindi pa lubusang nababayaran ang halaga ng property.

Gayunman, pinagtibay ng Korte Suprema ang kautusang paalisin ang mag-asawang Guasis sa property. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here