MANILA, Philippines – Nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa sa Cagayan at Isabela dahil sa malakas na pag-ulang dulot ng shear line.
Batay sa heavy rainfall outlook ng PAGASA nitong Huwebes, Nobyembre 19, inaasahang makakaranas ang dalawang lalawigan ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan na maaaring umabot sa 50 hanggang 100 millimeters hanggang Biyernes ng hapon, Nobyembre 20.
Posible ring maranasan ang kaparehong dami ng ulan sa Cagayan, Isabela at Apayao mula Biyernes ng hapon hanggang Sabado ng hapon, Nobyembre 21.
Ipinaliwanag ng PAGASA na ang shear line ay lugar kung saan nagtatagpo ang malamig at mainit na hangin na maaaring magdulot ng pag-ulan.
Ayon sa ahensya, maaaring mas malakas ang pag-ulan sa mga bulubundukin at matataas na lugar, lalo na sa mga lugar na nakaranas na ng tuloy-tuloy na pag-ulan.
Dahil dito, posibleng magkaroon ng pagbaha sa mabababang lugar, mga komunidad malapit sa ilog at mga urban area.
Nagbabala rin ang PAGASA sa panganib ng landslide sa mga lugar na madaling makaranas ng pagguho ng lupa.
Pinayuhan ang mga lokal na disaster risk reduction and management office na magsagawa ng kinakailangang paghahanda upang maprotektahan ang mga residente at kanilang ari-arian. RNT