MANILA, Philippines – Inihalintulad ng Malacañang kay “Lola Basyang” si Vice President Sara Duterte matapos magpahayag ang kaniyang kampo tungkol sa umano’y planong kanselahin ang 2028 national elections.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro nitong Huwebes, Nobyembre 19, tila gumagawa lamang ng mga kuwentong pantasya ang kampo ng Bise Presidente.
“Huwag silang magkwento ng gawa-gawa lang nila. Sa ngayon, para nang ‘Lola Basyang’ si VP Sara sa kanilang mga kwentong pantasya,” pahayag ni Castro.
Ginawa ng opisyal ang pahayag matapos sabihin ni Atty. Paolo Panelo Jr., tagapagsalita ni Duterte, na nakatanggap umano ng impormasyon ang Bise Presidente hinggil sa planong hindi ituloy ang halalan sa 2028.
Ayon kay Panelo, sa Kamara de Representantes umano nagmumula ang mga pag-uusap tungkol sa tinatawag na “no-election” o “no-el” scenario.
Gayunman, itinanggi ng mga mambabatas sa Kamara na may nagaganap na talakayan tungkol sa pagpapaliban o pagkansela ng 2028 elections.
Iginiit naman ni Castro na abala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagtupad ng kaniyang mga tungkulin.
“Busy ang Pangulo sa pagtatrabaho. Sunod-sunod ang dinadaluhang meeting ni Pangulong Marcos, Jr. kaya okupado ang isip niya, hindi tulad ng iba na walang ginagawa kundi maglakwatsa,” ani Castro.
Hinimok din ng opisyal ang kampo ni Duterte na sa halip ay sagutin ang mga alegasyon tungkol sa umano’y nakatagong yaman ng Bise Presidente at kaniyang pamilya, na may kaugnayan sa nagpapatuloy na impeachment trial.
Sa ngayon, wala pang nailalatag na sapat na ebidensiya sa publiko na nagpapatunay sa sinasabing planong kanselahin ang 2028 national elections. RNT