Home NATIONWIDE Ilang lugar suspendido face-to-face classes ngayong Biyernes, Nov 20

Ilang lugar suspendido face-to-face classes ngayong Biyernes, Nov 20

1
0

MANILA, Philippines – Suspendido ang face-to-face classes sa ilang lugar sa bansa ngayong Biyernes, Nobyembre 20, 2026, dahil sa inaasahang mataas na heat index, nakatakdang power interruption at mga lokal na aktibidad.

Kabilang sa mga nag-anunsyo ng suspensiyon ang Moncada, Tarlac, kung saan lilipat sa alternative learning delivery modalities ang lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan dahil sa nakatakdang pagkawala ng kuryente at inaasahang mainit na panahon.

Sa Guinobatan, Albay, lilimitahan naman ang face-to-face classes sa mga paaralang elementarya at sekondarya mula alas-6:30 ng umaga hanggang alas-10:45 ng umaga bunsod ng mataas na heat index.

Suspendido rin ang face-to-face classes sa lahat ng antas sa Aborlan, Palawan, kabilang ang Child Development Centers, elementarya, junior at senior high school, gayundin ang mga kolehiyo at TESDA institutions. Ipatutupad ang alternative learning delivery modalities.

Samantala, ililipat sa Alternative Delivery Mode ang mga klase sa hapon sa ilang paaralan sa Bago City, Negros Occidental. Maaaring tingnan ang listahan ng mga apektadong paaralan sa https://drrm.sdobago.online.

Sa Lapu-Lapu City, Cebu, lilipat naman sa asynchronous learning ang mga paaralan sa pitong barangay na kinabibilangan ng Babag, Canjulao, Calawisan, Gun-ob, Looc, Pajo at Poblacion kaugnay ng kapistahan ng Nuestra Señora de Regla.

Samantala, inanunsyo rin ng Calabanga, Camarines Sur ang suspensiyon ng face-to-face classes sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan. Gayunman, maaaring magpatuloy ang in-person classes sa mga paaralang may sapat na bentilasyon at pasilidad, sa pagpapasya ng kanilang mga school head.

Pinapayuhan ang mga mag-aaral at magulang na makipag-ugnayan sa kani-kanilang paaralan at lokal na pamahalaan para sa karagdagang anunsiyo at pagbabago sa iskedyul ng klase. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here