MANILA, Philippines – Sinira ng mga hindi pa nakikilalang salarin ang mahahalagang kagamitan sa monitoring station ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa Bago City, Negros Occidental, na ginagamit sa pagbabantay sa aktibidad ng Bulkang Kanlaon.
Natuklasan ang paninira noong Nobyembre 18 habang nagsasagawa ng regular maintenance ang mga tauhan ng Kanlaon Volcano Observatory sa Sitio Manghumay, Barangay Mailum.
Ayon sa PHIVOLCS, pinutol, hinack at binunot ang mga kable ng ScanDOAS instrument, GPS equipment, seismic sensor GPS at solar panel array ng istasyon.
Mahalaga ang mga kagamitang ito sa pangangalap ng datos tungkol sa pagyanig, pagbuga ng gas, paggalaw ng lupa at iba pang aktibidad ng bulkan.
Mula pa noong 2003, ginagamit na ang monitoring station sa pagbabantay sa volcanic at tectonic earthquakes sa Negros Island.
Pinalawak din ang kakayahan nito upang masubaybayan ang mga pagsabog, ash emission, sulfur dioxide (SO2) emissions at pag-ulan na maaaring magdulot ng lahar.
Binigyang-diin ng PHIVOLCS na mahalaga ang datos mula sa naturang istasyon dahil malapit ito sa pinagmumulan ng patuloy na volcanic earthquakes sa kanlurang bahagi ng bulkan.
Nagbabala rin ang ahensya na may kaukulang parusa sa ilalim ng Republic Act No. 10344 o Risk Reduction and Preparedness Equipment Protection Act of 2012 laban sa sinumang kukuha, magnanakaw o maninira ng mga kagamitang ginagamit sa disaster preparedness at risk reduction.
Umapela ang PHIVOLCS sa mga lokal na pamahalaan at komunidad sa paligid ng Kanlaon na tumulong sa pangangalaga ng mga monitoring facility at agad iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad.
Nananatili naman sa Alert Level 2 ang Bulkang Kanlaon, na nangangahulugang nakararanas ito ng katamtamang pag-aalboroto at posible ang biglaang phreatic eruption. Santi Celario