Home NATIONWIDE 115 parol ng kabataang Pinoy, nagningning sa paligsahan sa Malacañang

115 parol ng kabataang Pinoy, nagningning sa paligsahan sa Malacañang

1
0

MANILA, Philippines – Nagningning ang talento at pagkamalikhain ng mga kabataang Pilipino sa 115 lahok na parol sa ikalimang “Isang Bituin, Isang Mithiin: National Parol-Making Competition” na isinagawa sa Palasyo ng Malacañang.

May temang “Kabataang Pilipino: Tanglaw ng Pag-asa,” layunin ng paligsahan na itaguyod ang kapayapaan, pag-asa, paghilom, pamumuno ng kabataan at pagkakaisa sa pamamagitan ng tradisyonal na dekorasyong pamasko.

Inorganisa ito ng Office of the President sa pamamagitan ng Office of the Social Secretary, katuwang ang Department of Education (DepEd), upang bigyang-pagkilala ang talento at kakayahan ng mga mag-aaral bilang mga susunod na lider ng bansa.

Bawat pangkat ay binubuo ng apat na mag-aaral mula Baitang 7 hanggang 12 sa paggabay ng isang guro. Sila mismo ang nanguna sa pagdidisenyo at paggawa ng kanilang mga lahok.

Gumamit ang mga kalahok ng mga katutubong materyales, recycled na bagay at lokal na produktong madaling makuha sa kanilang mga komunidad, gayundin ng mga ilaw na matipid sa enerhiya upang makabuo ng makakalikasan na mga parol.

Isinagawa ang closed-door judging noong Huwebes, Nobyembre 19, sa bakuran ng Malacañang.

Kabilang sa mga pamantayan sa pagpili ng mga magwawagi ang pagsunod sa tema, pagkamalikhain, husay sa pagkakagawa, pagkakakilanlang kultural at simbolismo. Sampung porsiyento ng kabuuang marka ang nakalaan para sa online public voting.

Mahigit P5 milyon ang kabuuang halaga ng cash at non-cash prizes na inilaan para sa mga magwawaging mag-aaral, paaralan at Schools Division Office.

Makakakuha ang tatlong nangungunang pangkat ng P1 milyon, P500,000 at P300,000, ayon sa pagkakasunod-sunod, bukod pa sa mga laptop at mobile phone package.

Mayroon ding karagdagang premyo para sa mga paaralan at Schools Division Office, gayundin ang mga espesyal na parangal para sa pinakamahusay na disenyo ng ilaw, interpretasyong kultural at online public voting.

Pormal na iaanunsyo ang mga nagwagi sa Nobyembre 28 kasabay ng Christmas Tree Lighting and Awarding Ceremony sa Malacañang.

Plano ring ipakita at sindihan sa buong Kapaskuhan ang mga isinumiteng parol sa Malacañang at The Mansion sa Baguio City upang makita ng publiko ang mga likha ng kabataang Pilipino. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here