MANILA, Philippines – Nakatakdang isailalim sa malawakang rehabilitasyon ang limang pangunahing istasyon ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) sa susunod na taon upang mapabuti ang kaligtasan at kaginhawaan ng mga pasahero.
Inanunsyo ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon nitong Biyernes, Nobyembre 20, na gagawing modelo ng pagsasaayos ang bagong rehabilitadong Quezon Avenue station sa Quezon City.
Kabilang sa mga aayusing istasyon ang North Avenue, GMA-Kamuning, Cubao, Shaw Boulevard at Taft Avenue.
Tinatayang P150 milyon ang gagastusin sa bawat istasyon o kabuuang P750 milyon para sa limang proyekto.
Ayon kay Dizon, sisimulan sa Enero ang konstruksyon sa North Avenue at GMA-Kamuning stations, na target matapos sa loob ng anim na buwan o pagsapit ng Hunyo.
Inaasahang matatapos naman bago matapos ang 2026 ang rehabilitasyon sa Cubao, Shaw Boulevard at Taft Avenue stations.
Samantala, gagamitin ang public-private partnership (PPP) scheme sa pagsasaayos ng pitong natitirang istasyon ng MRT-3 dahil sa kakulangan ng pondo ng pamahalaan.
Inaasahang maia-award ang PPP project sa susunod na taon upang mapabilis ang pagpapatupad nito.
Layunin ng rehabilitasyon na mapabuti ang pasilidad para sa tinatayang 500,000 pasaherong gumagamit ng MRT-3 araw-araw.
Kabilang sa mga bagong pasilidad ang mas maliwanag na ilaw, maayos na bentilasyon, industrial fans, mas malinis na palikuran, accessible facilities para sa persons with disabilities (PWDs) at malinaw na directional signage.
Magkakaroon din ng automated public address system bilang kapalit ng dating manu-manong anunsyo gamit ang megaphone.
Ayon kay Dizon, ang Quezon Avenue station ang magiging modelo ng mga susunod na aayusing istasyon upang magkaroon ng mas moderno at komportableng pasilidad ang mga commuter.
Kasabay nito, magdaragdag din ang DOTr ng 50 bus sa EDSA Busway simula sa unang linggo ng Disyembre, na magpapataas sa kasalukuyang fleet nito mula 400 tungong 450 bus.
Pinag-aaralan din ng kagawaran ang posibleng pagpapahaba ng operasyon ng MRT-3 nang 30 minuto ngayong holiday season, ngunit kailangan muna itong ikonsulta sa rail operator upang matiyak na hindi maaapektuhan ang regular na maintenance at kaligtasan ng operasyon. RNT