MANILA, Philippines – Umabot sa 2,895 tawag na may kaugnayan sa karahasan laban sa kababaihan at mga bata (VAWC) ang natanggap ng Unified 911 Hotline sa unang 10 buwan ng 2026.
Ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG), naitala ang mga tawag mula Enero 1 hanggang Oktubre 31 bilang bahagi ng kabuuang 96,000 emergency calls na natanggap ng hotline sa nasabing panahon.
Sa kabuuang bilang, 42,849 ang humingi ng tulong mula sa pulisya.
Sinabi ng DILG na ilan sa mga tawag ay nagresulta sa agarang pagsagip sa mga biktima at pag-uugnay sa kanila sa mga serbisyong panlipunan.
Kabilang dito ang pagsagip sa isang 16-anyos na babae sa Palo, Leyte, na umano’y pinigilang makauwi matapos irekrut para magtrabaho bilang entertainer.
Sa Jaro, Iloilo naman, nasagip ang isang ina at kaniyang isang taong gulang na anak matapos iulat ng babae sa 911 na pinilit umano siyang makipagtalik at tinakot gamit ang kutsilyo.
Ayon sa ulat, rumesponde ang pulisya sa loob lamang ng apat na minuto at iniendorso ang kaso sa Women and Children Protection Desk para sa karagdagang imbestigasyon at interbensiyon.
Sa Talisay City, Cebu, rumesponde rin ang mga pulis matapos magsumbong ang isang bata na sinaktan umano siya ng kaniyang ama.
Binigyang-diin ng DILG na mahalaga ang agarang pag-uulat sa 911 upang makapagsagawa ng interbensiyon bago pa lumala ang sitwasyon at mailagay sa panganib ang buhay ng mga biktima.
Patuloy rin umanong pinagbubuti ng kagawaran ang mga tauhan, kagamitan, communication infrastructure at koordinasyon ng mga responder upang matiyak ang mabilis na pagtugon sa mga emergency call.