Home NATIONWIDE Suspek sa pagpatay sa sekyu sa kapitolyo ng Cavite, arestado sa Tawi-Tawi

Suspek sa pagpatay sa sekyu sa kapitolyo ng Cavite, arestado sa Tawi-Tawi

1
0

MANILA, Philippines – Matapos ang ilang buwang pagtatago sa awtoridad ay nadakip na sa lalawigan ng Tawi-Tawi ang pangunahing suspek sa pagpatay sa isang security guard na natagpuang walang buhay sa loob ng kanilang barracks sa Cavite Provincial Capitol noong Agosto 2026.

Kinilala ang naarestong suspek bilang isang 34-anyos na dating security guard at umano’y kasamahan mismo ng biktima sa trabaho.

Ayon sa Philippine National Police (PNP), isinagawa ang pag-aresto noong Nobyembre 14, 2026 sa Barangay Buan, Panglima Sugala, Tawi-Tawi sa pamamagitan ng operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa pangunguna ng BASULTA Provincial Field Unit.

Isinilbi sa suspek ang warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court (RTC) sa Trece Martires City, Cavite noong Oktubre 7, 2026 kaugnay ng kasong murder, na walang inirekomendang piyansa.

Bago ang pagkakadakip, kabilang ang suspek sa Regional Most Wanted Persons ng Bangsamoro Autonomous Region at Provincial Most Wanted Persons ng Tawi-Tawi, kung saan kapwa siya nasa ikawalong puwesto.

Batay sa paunang imbestigasyon, natagpuan ang bangkay ng biktimang security guard sa loob ng kanilang barracks sa Barangay San Agustin, Trece Martires City noong Agosto.

Sa isinagawang pagsisiyasat at pagkuha ng mga salaysay ng mga saksi, natukoy ang naarestong dating guwardiya at isa pang security guard bilang mga umano’y sangkot sa krimen.

Hindi naman tinukoy sa report ang pagkakaaresto sa ikalawang indibidwal na iniugnay sa naturang kaso.

Kabilang sa mga nagsagawa ng operasyon ang CIDG, mga tauhan ng pulisya mula sa Cavite at Tawi-Tawi, Regional Intelligence Unit 9, Maritime Police, 1st Special Operations Unit ng Maritime Group at 1405th Regional Mobile Force Battalion 14-B. MARGIE BAUTISTA

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here