Home NATIONWIDE PBBM natawa na lang sa espekulasyon sa pagpapatugtog ng ‘Anak’ sa APEC

PBBM natawa na lang sa espekulasyon sa pagpapatugtog ng ‘Anak’ sa APEC

1
0

MANILA, Philippines – DEDMA lang si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga espekulasyon tungkol sa pagpili ng China sa kantang Pilipinong “Anak” bilang tugtog sa kanyang pagpasok sa red carpet sa gala dinner para sa mga lider ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC).

Inilarawan niya ito bilang isang “napakainit at taos-pusong pagpapakita ng paggalang.”

Sa isang press briefing kasama ang mga mamamahayag na Pilipino bago siya lumipad pabalik ng Maynila, sinabi ng Pangulo na masyado lamang binibigyan ng malisya ng ilang tao ang pagpili ng naturang kanta.

Para kay Pangulong Marcos, “napakaganda” at “mahusay” ang naging pagpili sa kanta, at inilarawan niya ito bilang isang magalang at magandang pakikitungo mula sa China.

“It was a very good choice,” ayon kay Pangulong Marcos.

“I thought it was a very, how do we say, gracious choice by the Chinese,” aniya pa rin.

Sinabi pa ni Pangulong Marcos na ang “Anak” ang pinakakilalang awiting Pilipino sa buong mundo at naisalin pa ito sa 51 wika.

Binanggit din niya na tinugtog ang “Leron-Leron Sinta” sa hapunang pandangal (gala dinner).

“It was a very, very nice gesture na pinag….na ganun kalalim nila pinag isapan,” ang winika ni Pangulong Marcos.

Ang pagpili ng China sa kantang gagamitin sa pagpasok ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa red carpet sa gala dinner ng APEC Economic Leaders’ Meeting (AELM), na ginanap sa Shenzhen International Communication Center, ay umani ng mga katanungan mula sa ilang netizens.

Sa naturang gala dinner, isa-isang pumasok sa Xiangmi Hall ang mga pinuno ng mga bansang kasapi ng APEC, habang pinapatugtog ang isang kanta na nagmula sa kani-kanilang bansa.

Halimbawa, sinalubong ng kantang “Sukiyaki” ang Punong Ministro ng Japan na si Sanae Takaichi, habang ang Pangulo naman ng Estados Unidos na si Donald Trump ay sinalubong ng kantang “America the Beautiful.”

At nang si Pangulong Marcos na ang sumalang, tinugtog ng orkestra ng mga Tsino ang “Anak,” isang klasikong awiting Pilipino na pinasikat ni Freddie Aguilar.

Ang awiting “Anak” ay tungkol sa isang anak na hindi nakinig sa mga payo ng kanyang mga magulang, naligaw ng landas, at kalaunan ay napagtanto ang kanyang mga pagkakamali nang huli na ang lahat.

Samantala, nagbunsod ng samu’t saring haka-haka sa internet ang pagpili sa awitin, kung saan may ilang nagtatanong kung bakit pinili ng mga tagapag-organisa ang isang kantang naglalaman ng mga liriko na may babalang mensahe. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here