Home NATIONWIDE Ex-solon, DBM nagkasundo sa proteksyon ng LGU employees

Ex-solon, DBM nagkasundo sa proteksyon ng LGU employees

1
0

MANILA, Philippines – Sa layuning mapangalagaan at maproteksyunan pa ang mga kawani ng lokal na pamahalaan ay muling pumasok sa isang kasunduan sa Department of Budget and Management (DBM) at ang League of Municipalities of the Philippines (LMP) na pinamumunuan ni dating Isabela Rep. at ngayon ay Mayor Faustino “Inno” Arcega Dy V.

Kasama sa mga kasunduan sa pagitan ng LMP at DBM ang pagtatatag ng patas at malinaw na mekanismo sa pagsusuri sa mga lokal na pamahalaang naapektuhan ng pagpapatupad ng FY 2026 Collective Negotiation Agreement o CNA Incentive Guidelines.

Nauna rito ay nagpahayag ng pangamba ang LMP ukol sa ilang probisyon ng guidelines na maaaring makapinsala sa mga empleyado ng lokal na pamahalaan dahil sa pagkaantala ng mga proyektong pangkaunlaran at iba pang sitwasyong hindi nila kontrolado.

Nakapaloob din sa kasunduan na bibigyan ng pagkakataon ang mga apektadong LGU na ipaliwanag ang mga dahilan ng pagkaantala sa pagpapatupad ng kanilang mga proyekto, gayundin ang pagsusumite ng mga kaukulang dokumento at mga hakbang upang makahabol sa implementasyon. Susuriin ang mga ito alinsunod sa umiiral na mga batas at alituntunin.

Tiniyak din ng LMP na makatutulong ang mekanismong ito upang matiyak na patas ang magiging pagsusuri sa mga munisipalidad, batay sa aktuwal na kalagayan at mga hamong kanilang kinakaharap sa pagpapatupad ng mga programang pangkaunlaran.

Ayon kay Dy, sinusuportahan ng LMP ang responsableng pamamahala sa pananalapi ng gobyerno at maagap na pagpapatupad ng mga proyekto, ngunit hindi dapat maparusahan o mawalan ng benepisyo ang mga empleyado dahil sa mga sitwasyong wala naman silang kontrol.

Nagpasalamat din ang LMP kay DBM Secretary Kim Robert C. De Leon sa makabuluhang dayalogo, na nagpapakita ng kahalagahan ng koordinasyon sa pagitan ng pambansang pamahalaan at mga lokal na pamahalaan sa pagtugon sa mga usaping may epekto sa kanilang operasyon. Meliza Maluntag

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here