Home NATIONWIDE AFP: US arms sale, financing magpapalakas sa PH defense posture, militarization

AFP: US arms sale, financing magpapalakas sa PH defense posture, militarization

1
0

MANILA, Philippines – SINABI ng Armed Forces of the Philippines (AFP), araw ng Biyernes, Nobyembre 20, na makatutulong ang patuloy na tulong-militar mula sa Estados Unidos upang mapalakas ang kakayahan ng Pilipinas sa pagtatanggol sa bansa at masuportahan ang mga pagsisikap nitong gawing makabago ang sandatahang lakas.

Inihayag ni AFP spokesperson Colonel Francel Margareth Padilla ang pahayag kasunod ng anunsyo ng White House tungkol sa inaprubahang Foreign Military Financing (FMF) para sa Pilipinas na nagkakahalaga ng mahigit $2 bilyon, na nakalaan para sa mahahalagang kakayahan sa depensa ng bansa.

Maliban dito, magbibigay din ang Estados Unidos ng karagdagang $400 milyon na tulong-pinansyal para sa militar upang palakasin ang kakayahan ng Pilipinas sa pagtatanggol sa karagatan sa West Philippine Sea at South China Sea.

“We appreciate the continued support of the United States in strengthening the AFP’s capabilities,” ayon kay Padilla.

“These forms of assistance contribute to our ongoing modernization and efforts to develop a credible defense posture,” aniya pa rin.

Ayon sa pahayag ng AFP, aabot sa mahigit $5 bilyon ang kabuuang tulong na ipagkakaloob ng Estados Unidos sa Pilipinas, na kinabibilangan ng pagbebenta ng mga armas at karagdagang pondong pinansyal para sa militar.

Sa ngayon, prayoridad ng AFP ang pagbili ng mga kagamitang pandepensa at mga kakayahang militar na maaaring gamitin sa aktuwal na operasyon upang mapalakas ang pagtatanggol sa teritoryo ng bansa, sa gitna ng presensya ng mga barko ng Hukbong-Dagat ng People’s Liberation Army (PLA) ng China sa karagatang sakop ng Pilipinas.

Sa kabilang dako, sa isang ambush interview, sinabi ni AFP chief General Antonio Nafarrete na, “We concentrate now on kinetic, ‘yung mga kinetic na requirement natin.”

“Basically for territorial defense talaga, ensuring that kapag may mga, kasi ito ano natin archipelagic, pumapasok na ‘yung mga PLA na mga naval vessels dito sa sea lines of communications natin, that’s international kasi so we must be able to have that deterrent capability para malaman nila na hindi basta-bastang ano rito,” lahad nito.

Binigyang-diin ni Padilla na ang anumang pagbili ng mga kagamitang militar ay sasailalim sa wastong pagsusuri at proseso ng pagkuha, batay sa mga pangangailangan sa operasyon ng AFP at mga prayoridad ng pambansang depensa.

Sa pamamagitan ng $400 milyong Foreign Military Financing (FMF), inaasahang mapapalawak ng AFP ang saklaw ng mga operasyong militar at mapalalakas ang kakayahan nitong pigilan ang mga banta sa South China Sea, partikular sa mga katubigang sakop ng teritoryo na kabilang din sa West Philippine Sea.

Inaasahang gagamitin ang naturang tulong para sa mga sumusunod:

*Mga sistemang may kakayahang tumama sa mga target mula sa malalayong distansya;

*Mga sistema ng command and control o pamamahala at pagkontrol sa mga operasyong militar;

*Mahahalagang imprastraktura; at

Mga drone na maaaring gamitin sa iba’t ibang larangan ng operasyon.

Samantala, sinabi ng White House na nakipagkasundo na ang Department of National Defense (DND) sa isang kompanya mula sa Estados Unidos para sa isang kontratang nagkakahalaga ng $37 milyon.

Layunin nitong makakuha ng makabagong suporta sa mga misyon gamit ang artificial intelligence.

Maliban dito, mayroon ding inisyatibang nagkakahalaga ng $63 milyon para sa modernisasyon ng cloud infrastructure ng sektor ng depensa, na susuporta sa paggamit ng mga aplikasyon ng artificial intelligence. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here