MANILA, Philippines – TININTAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang isang batas na nagtatatag ng Basic Education Voucher Assistance Program upang mapalawak ang pagkakataon ng mga mag-aaral na makakuha ng de-kalidad na edukasyon at makatulong sa pagpapabawas ng siksikan sa mga silid-aralan sa mga pampublikong paaralan.
Ang Republic Act No. 12327, o mas kilala bilang Basic Education Voucher Assistance Act, na pinirmahan ng Pangulo noong Nobyembre 12, ay nagtatatag ng isang sistemang pinopondohan ng pamahalaan sa pamamagitan ng mga voucher.
Layunin nitong mabigyan ng pagkakataong makapag-aral sa mga kalahok na pribadong paaralan ang mga kuwalipikadong mag-aaral mula sa mahihirap at mga pamilyang nangangailangan ng tulong.
Sa ilalim ng batas, magbibigay ang pamahalaan ng mga voucher sa mga kuwalipikadong mag-aaral na naka-enroll sa mga kalahok na pribadong paaralan upang makatulong sa pagbabayad ng kanilang gastusin sa pag-aaral.
Saklaw ng batas na ito ang lahat ng pribadong institusyong pang-edukasyon na tumatanggap ng tulong mula sa pamahalaan sa pamamagitan ng mga voucher para sa mga kuwalipikadong mag-aaral, subsidiya para sa mga guro, o iba pang tulong pinansyal para sa mga paaralan.
Ang Department of Education (DepEd) ang magtatakda ng halaga ng mga voucher batay sa mga pag-aaral na kanilang ipagagawa.
Susuriin at rerepasuhin ang halaga ng mga ito nang hindi bababa sa isang beses kada tatlong taon upang maisaalang-alang ang implasyon at iba pang mga salik na nakaaapekto sa gastusin sa edukasyon.
Mas mataas na halaga ng tulong-pinansyal sa pamamagitan ng voucher ang matatanggap ng mga mag-aaral na mula sa mga pamilyang may mababang kita.
Samantala, kailangang maibigay ang bayad sa mga kalahok na pribadong paaralan sa loob ng 60 araw matapos maisumite ang kumpleto at kinakailangang mga dokumento.
Bibigyang-priyoridad sa programa ang mga mag-aaral na dating nag-aral sa mga pampublikong paaralan na natukoy na may matinding siksikan sa mga silid-aralan, ang mga nakatira sa mga lugar na walang malapit na pampublikong paaralan, at ang mga naninirahan sa mga komunidad kung saan labis na siksikan ang mga pampublikong paaralan.
Pinahihintulutan din ng batas ang mga lokal na pamahalaan (LGUs), pribadong sponsor, at iba pang tagapagbigay ng scholarship na magdagdag ng tulong-pinansyal upang matugunan ang kakulangan sa pagitan ng halaga ng voucher at kabuuang gastusin sa pag-aaral.
Upang matiyak ang pananagutan at kalidad ng edukasyon, sasailalim sa pagkilala at regular na pagsusuri ng DepEd ang mga pribadong paaralang lalahok sa programa.
Susubaybayan din ng kagawaran ang resulta ng pagkatuto ng mga mag-aaral, kabilang ang antas ng kanilang kakayahan sa pagbasa, pagsulat at pagbilang (literacy and numeracy), mga resulta sa pambansa at pandaigdigang pagsusulit, gayundin ang kanilang akademikong pagganap at antas ng pagtatapos ng mga mag-aaral mula sa mga pamilyang nangangailangan.
Itinatakda rin ng batas ang iba pang uri ng tulong para sa mga kalahok na pribadong paaralan at kanilang mga guro.
Kabilang dito ang mga pagsasanay para sa pagpapaunlad ng kakayahan ng mga guro, subsidiya sa kanilang sahod, at mga oportunidad sa scholarship para sa mga kuwalipikadong tagapagturo.
Sa pamamagitan ng programang ito, layunin ng pamahalaan na gawing mas abot-kamay ng mga mag-aaral ang de-kalidad na batayang edukasyon, habang tinutugunan din ang problema ng pagsisiksikan sa mga pampublikong paaralan. KRIS JOSE