MANILA, Philippines – Tinatayang lima hanggang anim na testigo na lamang ang ihaharap ng kampo ni Vice President Sara Duterte sa nagpapatuloy na impeachment trial, at inaasahang matatapos ang kanilang presentasyon sa loob ng tatlong linggong inilaan para sa mga pagdinig sa Disyembre.
Ayon kay defense spokesperson Atty. Michael Wesley T. Poa, sapat ang nakalaang panahon upang maiharap ang nalalabing mga testigo.
Sinabi ni Poa na mula sa unang 8 hanggang 10 testigong nakatakdang iharap, tatlo na ang nakapagsalaysay ngayong linggo at isa pa ang hindi na itinuloy.
Bukás din umano ang depensa na bawasan pa ang bilang ng mga testigo kung mapag-alamang nasaklaw na ng naunang salaysay ang kanilang inaasahang testimonya.
Gayunman, maaari pa rin silang magdagdag o magpalit ng testigo depende sa magiging takbo ng mga natitirang pagdinig, lalo na kung may kailangang linawin o dagdagan sa mga naunang testimonya.
Tiwala rin si Poa na magkakaroon ng malaking epekto sa kaso ng depensa ang mga natitirang testigo, bagama’t nasa mga senador-hukom pa rin ang pagpapasya kung magiging kapani-paniwala ang kanilang mga salaysay.
Samantala, ipinaliwanag niyang hindi na itinuloy ang pagharap ng isang testigo nitong Biyernes dahil sa pagkahuli ng oras at upang maiwasan ang pag-uulit ng mga naunang testimonya.
Sinabi rin ni Poa na handa ang depensa na isuko ang mga nakatakda nitong araw ng paglilitis kung wala na silang testigong ihaharap. RNT/MDS