MANILA, Philippines – Nakatakdang isailalim ng pamahalaan sa public-private partnership (PPP) arrangements ang siyam na paliparan at tatlong pangunahing railway project bago matapos ang termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hunyo 2028.
Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, bahagi ito ng pagsisikap ng administrasyon na tapusin ang mga naantalang infrastructure project at pagandahin ang sistema ng transportasyon sa bansa.
Unang isusulong ang pinagsamang PPP para sa mga paliparan sa Davao, Siargao at Bicol, na inaasahang maigagawad sa unang quarter ng 2027. Nagsumite ng unsolicited proposal ang grupong nagpapatakbo sa Clark International Airport para sa pagpapaunlad at operasyon ng tatlong paliparan.
Target ding isailalim sa PPP ang Iloilo Airport sa unang kalahati ng 2027, kasunod ang mga paliparan sa Bacolod, Puerto Princesa, Busuanga, General Santos at Tacloban.
Ayon kay Dizon, siyam na paliparan ang mapapailalim sa PPP bago bumaba sa puwesto si Marcos sa Hunyo 2028.
Samantala, inihahanda rin ng Department of Transportation (DOTr) ang PPP arrangements para sa Light Rail Transit Line 2 (LRT-2), Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3), at automated fare collection system na sasaklaw sa mga pangunahing railway network sa bansa.
Tutulungan ng International Finance Corporation ng World Bank ang paghahanda sa PPP ng LRT-2, habang susuportahan naman ng Asian Development Bank ang proyekto para sa MRT-3. Parehong target na maisulong ang mga ito sa susunod na taon.
Plano ring ipatupad ang 25-taong concession period para sa MRT-3 PPP.
Sasaklaw naman sa automated fare collection system ang LRT-1, LRT-2, MRT-3, Metro Manila Subway at North-South Commuter Railway. Inaasahang sisimulan ang procurement nito sa unang bahagi ng susunod na taon.
Bukod dito, sinabi ni Dizon na 97 porsiyento nang kumpleto ang Cavite-Laguna Expressway (CALAX) at irerekomenda niya kay Marcos na buksan ito bago ang Pasko bilang “Christmas gift” sa mga Pilipino.
Inaasahan namang mabuksan sa unang bahagi ng susunod na taon ang unang bahagi ng Toll Road 4 (TR4), na mag-uugnay sa Laguna at Lucena. RNT/MDS