MANILA, Philippines – Minomonitor ng Department of Health (DOH) sa Mimaropa ang mga kaso ng malaria na dulot ng parasite na nagmumula sa unggoy sa hilagang bahagi ng Palawan, partikular sa mga bayan ng Roxas at San Vicente.
Kinumpirma ang mga kaso ng malaria na dulot ng Plasmodium knowlesi matapos ang assessment ng DOH kasama ang mga eksperto mula sa World Health Organization (WHO) at Pilipinas Shell Foundation Inc., ayon kay Oscar Macam Jr., vector-borne disease coordinator ng DOH Mimaropa.
Nagmula sa mga unggoy ang naturang parasite at naipapasa sa tao sa pamamagitan ng kagat ng infected na Anopheles mosquito.
Ipinaliwanag ni Macam na ang lamok na nagdadala ng karaniwang malaria sa tao ay siya ring naglilipat ng Plasmodium knowlesi. Gayunman, wala pa umanong naitatalang kaso ng hawahan mula tao patungo sa kapwa tao.
Naitala na ang ganitong uri ng malaria sa Malaysia kaya kinakailangan ang mas mahigpit na pagbabantay sa Palawan dahil sa lapit nito sa naturang bansa.
Ayon sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM), apat hanggang limang kaso ang nakumpirma sa bayan ng Roxas at 10 kaso naman sa San Vicente.
Nakikipag-ugnayan din ang DOH sa mga veterinary expert at Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang makakuha ng datos tungkol sa populasyon ng mga unggoy, lalo na sa hilagang Palawan, para matukoy ang panganib ng pagkalat ng parasite.
Nakatakda ring magsagawa ang DOH Mimaropa ng karagdagang surveillance sa Puerto Princesa City sa ikalawang linggo ng Enero, katuwang ang City Health Office. RNT/MDS