MANILA, Philippines – Arestado ang tatlong hinihinalang drug pusher at nasamsam ang 13.36 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P90,848 sa magkakahiwalay na buy-bust operation sa Caraga Region noong Huwebes, Nobyembre 19.
Ayon sa Police Regional Office 13 (PRO-13), unang naaresto sa Barangay Poblacion, Barobo, Surigao del Sur ang 35-anyos na suspek na kinilala lamang sa alyas na Jean.
Itinuturing siyang high-value individual ng mga awtoridad. Nasamsam sa kaniya ang 10.6 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P72,080, dalawang cellphone, motorsiklo at drug paraphernalia.
Sa hiwalay na operasyon sa Barangay Luna, Surigao City, Surigao del Norte, naaresto naman ang 44-anyos na si alyas Perialyn, na kabilang sa street-level individuals. Nakuha sa kaniya ang 1.69 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P11,492 at ilang personal na gamit.
Samantala, nadakip din sa Barangay Taglatawan, Bayugan City, Agusan del Sur ang 20-anyos na si alyas John. Nasamsam sa kaniya ang 1.07 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P7,276.
Nasa kustodiya na ng kani-kanilang arresting unit ang tatlong suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon kay PRO-13 Director Brigadier General Rolindo Suguilon, patuloy ang kampanya ng pulisya laban sa ilegal na droga at hinimok ang publiko na agad iulat ang mga kahina-hinalang aktibidad na may kaugnayan dito. RNT/MDS