Home NATIONWIDE BOI dinikdik sa impeachment trial vs CALE88 ni Atty. Carpio

BOI dinikdik sa impeachment trial vs CALE88 ni Atty. Carpio

1
0

MANILA, Philippines – Dinikdik nina Senator-Judges Joel Villanueva at Erwin Tulfo ang Board of Investments (BOI) sa paraan nito ng pagmo-monitor at pag-screen sa Cale88 Food Corporation — ang kumpanyang pag-aari ng asawa ni Vice President Sara Duterte na si Atty. Manases Carpio.

Sa pagpapatuloy ng impeachment trial ni Duterte nitong Biyernes, Nobyembre 20, 2026, kapwa kinuwestiyon ng dalawang senator-judge si Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary for Industry Development and Promotions Group Ceferino Rodolfo, testigo ng defense panel.

Unang kinuwestiyon ni Villanueva ang estilo ng BOI sa mga dokumentong isinumite mismo ng kumpanya, lalo na sa gitna ng hindi tugmang bilang ng mga manggagawa nito.

Binanggit ni Villanueva na habang walang listahan ng rank-and-file employees sa General Information Sheet (GIS) ng kumpanya, may nakalagay namang 115 workforce sa ibang dokumentong isinumite sa BOI.

Hiningi rin niya ng paliwanag sa pagkakaiba ng 115 workers at ng 50 direct laborers na idineklara sa notarized Form S1 ng kumpanya — ang dokumentong ginamit na basehan ng BOI sa site inspection noong Mayo 20, 2026.

Tugon ni Rodolfo, hindi nagsagawa ng aktwal na headcount ang ahensya sa naturang inspection at umasa lamang ito sa notarized submission ng kumpanya.

Ikinumpara rin umano ng ahensya ang idineklarang direct labor workforce sa annual financial statements ng kumpanya.

Kinuwestiyon din ni Villanueva kung bakit Enero 2021 pa ang huling virtual inspection ng BOI bago ang kasunod na inspection noong Mayo 2026 lamang.

Paliwanag ni Rodolfo, karaniwang umaasa ang ahensya sa mga dokumentong isinumite ng mga rehistradong kumpanya, at ang pinakahuling inspection ay bunsod ng request ng Cale88 para sa Certificate of Good Standing kaugnay ng rehistrasyon nito sa Bureau of Customs.

Tinanong din ni Villanueva kung may rekord ang BOI ng posibleng business dealings sa pagitan ng Cale88 at China National Township Enterprise, na inilarawan niya bilang umano’y wholly owned subsidiary ng Chinese state-owned China National Agricultural Development Group.

Ayon kay Rodolfo, hindi partikular na tinutukoy sa documentary requirements ng BOI kung state-owned enterprise ang business partners ng isang kumpanya.

Ipinaliwanag niya na maaaring matunton ang posibleng remittances sa pamamagitan ng bank certificates na isinumite kaugnay ng VAT zero-rating applications, ngunit kailangan pa niyang i-check kung lumilitaw ang Chinese company sa mga rekord ng Cale88.

Samantala, humingi ng paglilinaw si Tulfo sa screening procedures ng BOI para sa mga kumpanyang nagnanais magparehistro, matapos sabihin ng opisyal ng DTI na hindi karaniwang chine-check ng ahensya ang mga incorporators o board members ng isang kumpanya.

Tinanong ni Tulfo kung bini-verify ba ng BOI ang mga taong nasa likod ng mga nag-a-apply na kumpanya. Paliwanag ni Rodolfo, karaniwang chine-check lamang ng ahensya ang compliance sa sector-specific restrictions, tulad ng limitasyon sa foreign ownership.

Nagpahayag din ng pangamba si Tulfo sa mga kumpanyang gumagamit ng kahina-hinalang business addresses at BOI registration upang magmukhang lehitimo, kahit umano’y wala namang aktwal na operasyon sa kanilang rehistradong lokasyon.

Tugon ni Rodolfo, ibinalik na ng BOI ang physical inspections matapos ang pandemya, bagama’t nagsasagawa rin ito ng virtual inspections.

Kinuwestiyon pa ni Tulfo kung paano nakapag-generate ang Cale88 ng mahigit P700 milyon sa sales sa loob ng tatlo hanggang apat na taon gayong P125,000 lamang ang paid-up capital nito at dalawang empleyado lamang umano ito.

Ayon kay Rodolfo, in-assess ng BOI ang kapasidad ng kumpanya base sa business plan nito at sa proposed P12-million project cost, ngunit nilinaw niyang walang kinalaman ang ahensya sa pagtukoy sa reported sales ng kumpanya. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here