Home NATIONWIDE P700M remittances vs P208M benta ng CALE88, kinuwestiyon sa Senado

P700M remittances vs P208M benta ng CALE88, kinuwestiyon sa Senado

1
0

MANILA, Philippines – Kinuwestiyon nina Senator-Judges Bam Aquino at Risa Hontiveros ang malaking agwat sa pagitan ng idineklarang benta at ng perang pumasok sa Cale88 Food Corporation, ang kumpanyang iniuugnay sa asawa ni Vice President Sara Duterte na si Atty. Manases Carpio.

Sa pagpapatuloy ng impeachment trial ni Duterte nitong Biyernes, Nobyembre 20, 2026, kapwa tinanong ng dalawang senator-judge si Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Ceferino Rodolfo, na tumatayong testigo ng defense panel, hinggil sa discrepancy sa pinansyal na rekord ng kumpanya.

Ayon kay Aquino, kailangang humarap mismo sa korte ang mga opisyal ng Cale88 upang ipaliwanag kung bakit humigit-kumulang P700 milyon ang pumasok sa bank accounts ng kumpanya gayong P208 milyon lamang ang idineklara nitong benta.

Binanggit din niya na nasa P315 milyon sa P700 milyong inflows ay galing umano sa China, na lalong nagdulot ng tanong tungkol sa pinagmulan ng karagdagang pondo.

Sumang-ayon si Rodolfo na base sa mga deklarasyon ng kumpanya sa DTI, tanging banana chips business lamang ang pinagkukunan nito ng kita, na may reported sales na humigit-kumulang P208 milyon.

Aniya, hindi niya maipapaliwanag ang iba pang inflows dahil magiging haka-haka lamang ito.

Tinanong din ni Aquino kung may epekto ang pagkalugi ng kumpanya sa Board of Investments (BOI) registration nito.

Nilinaw ni Rodolfo na hindi nakabatay sa financial performance ng isang kumpanya ang BOI status nito. Kinumpirma rin niya na dalawang taon lamang nag-avail ang Cale88 ng VAT zero-rating incentives.

Dahil dito, iginiit ni Aquino na dapat iharap sa korte ang may-ari at mga opisyal ng kumpanya — kabilang ang presidente, treasurer, general manager, auditor, at iba pang operating personnel — upang sila mismo ang magpaliwanag sa mga transaksyon, dahil hindi ito kayang sagutin ni Rodolfo.

Samantala, binigyang-diin naman ni Hontiveros ang isa pang discrepancy na humigit-kumulang P500 milyon sa pagitan ng idineklarang benta at ng remittances na naiulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).

“Base po sa business standing ng Cale88 sa mga dokumentong ito, di po ba nakakagulat na may pumapasok palang at least 770 million pesos mula sa ibang bansa na finlag ng AMLC?” tanong ni Hontiveros.

Kinumpirma ni Rodolfo na hindi tugma ang P208 milyong recorded sales na isinumite sa DTI-BOI sa P770 milyong remittances na lumabas sa AMLC reports.

Aniya, maaari nilang patunayan na “aboveboard” ang P208 milyong recorded sales, ngunit hindi nila masasabi ang gayon para sa natitirang daan-daang milyong piso sa mga umano’y transaksyon ng Cale88.  Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here