MANILA, Philippines – Patay ang 50-anyos na lalaki na pinaniniwalaang nakainom matapos biglang tumawid sa kalsada at mabangga ng paparating na bus sa national highway sa Barangay Lunocan, Manolo Fortich, Bukidnon.
Kinilala ng pulisya ang biktima na residente ng Barangay Inutlanan, Claveria, Misamis Oriental.
Agad na dinala ang biktima sa Bukidnon Provincial Hospital sa Barangay San Miguel ng Manolo Fortich ngunit idineklarang dead on arrival dahil sa severe injuries.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Manolo Fortich Municipal Police Station (MPS), nakita na naganap ang insidente bandang 1:10 ng madaling araw habang bumibiyahe ang pampasaherong bus mula Cagayan de Oro City patungong Malaybalay City.
Ayon sa drayber ng bus, mabagal ang takbo ng kanyang bus nang biglang tumawid sa madilim na highway ang lalaki.
Dahil sa biglang pagtawid ay hindi na nito naiwasang mabangga ang biktima.
Nasa kustodiya na ng Manolo Fortich police station ang bus at drayber nito. RNT/JGC