ANTALYA, Turkey – Nabigong makabuo ng pangunahing kasunduang pampulitika ang mga delegado sa United Nations Climate Change Conference (COP31) matapos tanggihan ng European Union (EU) at iba pang bansa ang huling draft na hindi tahasang bumabanggit sa fossil fuels.
Sa closing plenary nitong Linggo, Nobyembre 22, kinumpirma ni COP31 President Murat Kurum na walang consensus sa dokumento kaya hindi ito naaprubahan.
Mahigit dalawang linggong nagnegosasyon ang mga bansa sa Antalya, Turkey, na dapat sana’y nagtapos noong Biyernes ngunit umabot pa hanggang weekend.
Isa sa mga pangunahing dahilan ng pagtutol ng EU ang hindi pagsama sa draft ng malinaw na panawagan para sa pagtalikod sa coal, oil at natural gas na pangunahing pinagmumulan ng greenhouse gas emissions.
Hindi rin sinuportahan ng EU ang probisyon sa carbon capture and storage (CCS), isang teknolohiyang naglalayong kumuha at mag-imbak ng carbon dioxide emissions, na ikinababahala ng mga grupong pangkalikasan dahil maaari umano itong gamitin upang ipagpatuloy ang paggamit ng fossil fuels.
Nagkaroon din ng hindi pagkakasundo sa usapin ng climate finance, partikular ang pondong kailangan ng mga mahihirap at bulnerableng bansa upang makaangkop sa epekto ng climate change.
Kabilang sa mga nilalaman ng huling draft ang pagkilala na posibleng lumampas sa 1.5 degrees Celsius ang pag-init ng mundo, gayundin ang pagsusulong ng mga teknolohiyang makatutulong sa pagtanggal ng carbon dioxide sa atmospera.
Gayunman, hindi naaprubahan ang naturang panukala bilang pangunahing kasunduan ng summit.
Sa kabila nito, nakapagpatibay pa rin ang COP31 ng ilang hiwalay na desisyon, kabilang ang mga hakbang para sa just transition o makatarungang paglipat ng mga manggagawa mula sa mga industriyang umaasa sa mataas na carbon emissions patungo sa mas malinis na ekonomiya.
Nilinaw naman ni Australian Climate Change and Energy Minister Chris Bowen na nananatiling umiiral ang 2023 Dubai agreement na nananawagan ng pagtalikod sa fossil fuels.
Ang huling malaking pagkabigo ng UN climate negotiations na makabuo ng pangunahing kasunduan ay nangyari noong 2009 sa Copenhagen, Denmark. Dave Medina