MANILA, Philippines – Magkaiba ang naging pahayag nina US President Donald Trump at Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hinggil sa kasunduan sa pag-angkat ng pagkain at enerhiya mula sa Estados Unidos.
Iginiit ni Trump sa isang press conference noong Nobyembre 20 na pumayag ang Pilipinas na kunin sa US ang 100% ng agricultural products nito simula Enero 1, 2027, gayundin ang lahat ng inaangkat nitong enerhiya.
Ayon kay Trump, sinabi niya kay Marcos na dapat nang ihinto ng Pilipinas ang pagkuha ng enerhiya mula sa Middle East at mga produktong agrikultural mula sa ibang bansa, kabilang ang Brazil.
Ngunit sa paliwanag ni Marcos sa mga mamamahayag sa China, layunin ng kanilang trade discussions na magkaroon ang Pilipinas ng mas maraming mapagkukunan ng pagkain at enerhiya sa mas murang presyo.
Binigyang-diin ng Pangulo na mahalagang hindi umasa sa iisang supplier upang maiwasan ang kakulangan ng suplay kapag nagkaroon ng problema sa isang bansa.
Kapansin-pansin din na sa opisyal na fact sheet na inilabas ng White House noong Nobyembre 18, nakasaad lamang na magdaragdag ang Pilipinas ng pag-angkat ng American agricultural at energy products upang makatulong sa pagbabawas ng US trade deficit.
Walang binanggit sa naturang dokumento na kailangang manggaling sa Amerika ang 100% ng mga produktong inaangkat ng Pilipinas.
Samantala, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na isa lamang ang US sa mga posibleng pagmumulan ng mga produktong kailangan ng bansa, ayon sa ulat ng ABS-CBN News.
Patuloy pang pinag-uusapan ang mga detalye ng pag-angkat ng pagkain at enerhiya mula sa US.
Hindi pa malinaw kung may pinal na kasunduang nag-aatas sa Pilipinas na eksklusibong umangkat ng mga naturang produkto mula sa Amerika. Dave Medina