MANILA, Philippines – Target ng Office of the Ombudsman na matapos sa loob ng isang taon ang pagharap nito sa ₱7.44-bilyong plunder case laban kay dating House Speaker Martin Romualdez kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control project.
Sa kanyang radio program, sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na handa na ang prosekusyon na ilatag ang mga ebidensiya laban sa dating lider ng Kamara.
“Within a one year period, pwedeng tapusin namin ang case namin. Kasi umaabot nga ng 15 years sa nakaraan,” ani Remulla.
Iginiit niya na nais niyang maiwasan ang mga taktika na maaaring magpatagal sa paglilitis, lalo na at nakahanda na umano ang kanilang mga testigo at ebidensiya.
Kasunod ito ng pagsuko sa National Bureau of Investigation (NBI) ni Felicito Guevarra, presidente ng Samchan Foreign Exchange Corp., noong Nobyembre 19.
Isa si Guevarra sa mga kapwa akusado ni Romualdez sa kasong plunder na isinampa sa Sandiganbayan noong Setyembre.
Binigyan ng conditional immunity si Guevarra kapalit ng kanyang buong pakikipagtulungan sa imbestigasyon at pagbibigay ng mga dokumentong makatutulong sa pagtunton sa daloy ng mga pinagdududahang pondo.
Ayon kay Remulla, nasa ₱324 milyon ang naibalik sa pamahalaan mula sa mga komisyong umano’y kinita sa mga transaksyon.
Batay naman sa kautusan ng Sandiganbayan noong Setyembre 25, nakatakdang simulan ang presentasyon ng ebidensiya sa pangunahing kaso sa Nobyembre 23.
May 74 na nakalaang trial dates ang prosekusyon at 41 naman ang panig ni Romualdez para sa kanilang mga ebidensiya.
Nahaharap sina Romualdez, dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co at dalawa pang kapwa akusado sa kasong plunder dahil sa umano’y pagtanggap ng hindi bababa sa ₱7.44 bilyong kickbacks mula sa mga proyekto ng pamahalaan.
Itinanggi na nina Romualdez at Co ang mga paratang laban sa kanila.
Bagama’t umaasa ang Ombudsman na mapapabilis ang paglilitis, ang Sandiganbayan pa rin ang magpapasya sa kaso batay sa mga ebidensiyang ihaharap ng magkabilang panig. Santi Celario