MANILA, Philippines – Muling hinimok ni Sen. Vicente “Tito” Sotto III ang kampo ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na maghain ng pormal na sagot sa ethics complaint kaugnay ng matagal nitong pagliban sa Senado.
Kasunod ito ng liham ng opisina ni Dela Rosa na nagtatanong kung may karagdagang affidavit pang isusumite ang mga nagreklamo, dahil lima lamang sa siyam na orihinal na complainant ang nagsumite ng sinumpaang salaysay.
Sa tugon ni Sotto, chairman ng Senate Committee on Ethics and Privileges, nilinaw niyang wala nang ibang dokumentong natanggap ang komite bukod sa mga naipadala na sa opisina ng senador.
Muli niyang pinaalalahanan ang kampo ni Dela Rosa na magsumite ng nakasulat na paliwanag sa loob ng 15 araw mula sa pagtanggap ng abiso.
Sa liham na may petsang Nobyembre 19, tiniyak naman ni Marianne Kristel Dela Rosa-Estoesta, chief of staff ng senador, na nananatiling committed si Dela Rosa sa Senado at sa proseso ng ethics committee.
Ang reklamo ay inihain ng grupong Wag Kang KuCorrupt noong Pebrero 25 dahil sa matagal na hindi pagdalo ni Dela Rosa sa mga sesyon ng Senado.
Nauna nang kinilala ng komite na sapat sa porma at nilalaman ang reklamo upang maisailalim ito sa susunod na proseso.
Hindi na muling nagpakita sa publiko si Dela Rosa mula nang umalis sa Senado noong Mayo 14, sa gitna ng pagpapatupad ng arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC) laban sa kanya.
Nahaharap ang senador sa alegasyong crime against humanity of murder kaugnay ng war on drugs ng administrasyong Duterte.
Wala pang pinal na desisyon ang ethics committee kung may nilabag na patakaran si Dela Rosa dahil sa kanyang pagliban. RNT