MANILA, Philippines – Nais umano ng Estados Unidos na maresolba muna ng Pilipinas ang mga kontrobersiya sa Pax Silica initiative bago ituloy ang kasunduan para sa proyekto, ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian.
Sa isang radio interview, sinabi ni Gatchalian na nakausap niya si US Secretary of State Marco Rubio sa isang state luncheon sa Malacañang noong Nobyembre 18.
Ayon sa senador, kinikilala ni Rubio ang iba’t ibang isyung kinakaharap ng proyekto kaya dapat bigyan ng sapat na panahon ang pamahalaan upang tugunan ang mga ito.
Sinabi rin ni Gatchalian na batid ng US ang mga kontrobersiya sa Pax Silica at Luzon Economic Corridor, kaya mahalagang maresolba muna ang mga problema bago magpatuloy sa kasunduan.
Nauna nang kinumpirma nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at US Ambassador Lee Lipton na walang pipirmahang Pax Silica agreement sa pagbisita ni US President Donald Trump sa Pilipinas noong nakaraang linggo.
Ang Pax Silica ay isang inisyatiba ng US na naglalayong palakasin ang supply chain para sa artificial intelligence (AI), semiconductors, critical minerals at iba pang makabagong teknolohiya.
Kabilang sa mga panukala ang pagtatayo ng high-tech industrial hub sa New Clark City sa Capas, Tarlac, sa ilalim ng Luzon Economic Corridor.
Gayunman, umani ang proyekto ng pagtutol mula sa mga magsasaka, katutubong komunidad at grupong pangkalikasan dahil sa pangamba sa posibleng pagkawala ng lupain at kabuhayan, gayundin sa epekto nito sa kapaligiran.
Nauna nang tiniyak ng pamahalaan na isasaalang-alang ang mga karapatan ng mga apektadong komunidad at susunod ang proyekto sa mga batas ng Pilipinas.
Bagama’t sumali na ang Pilipinas sa Pax Silica initiative noong Abril 2026, wala pang pinal na framework agreement para sa planong industrial hub.
Hindi pa inaanunsyo ang bagong petsa ng paglagda sa kasunduan. RNT