Home NATIONWIDE Nartatez sa banat ni VP Sara: PNP patas, sumusunod sa batas

Nartatez sa banat ni VP Sara: PNP patas, sumusunod sa batas

3
0

MANILA, Philippines – Iginiit ng Philippine National Police (PNP) na nananatili itong patas sa pagpapatupad ng batas matapos akusahan ni Vice President Sara Duterte na nagsisilbi na itong tagapagpatupad ng interes ng mga pulitiko.

Sa pahayag nitong Linggo, Nobyembre 22, sinabi ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na nakabatay sa Konstitusyon, batas at due process ang lahat ng kanilang operasyon.

Binigyang-diin niya na tungkulin ng pulisya na magbigay ng pantay na proteksyon sa publiko anuman ang posisyon o political affiliation ng isang indibidwal.

Nauna rito, inakusahan ni Duterte ang PNP na naging “enforcement arm of politicians” at kinuwestiyon ang pahayag ni Nartatez na hindi nakikialam sa pulitika ang organisasyon.

Nag-ugat ang kontrobersiya sa insidente noong Nobyembre 17 sa isang hotel sa Bonifacio Global City, Taguig, kung saan may mga alegasyong sapilitang pinipigilan at pinapapirma sa dokumento ang isang dating household staff ng Bise Presidente at apat pang indibidwal.

Ayon sa PNP, dalawang abogado ang humingi ng tulong sa Fort Bonifacio Police Sub-Station 1 upang samahan sila sa hotel.

Iginiit ng pulisya na walang naganap na rescue operation dahil hindi naman umano nakakulong o pinipigilan ang limang indibidwal.

Boluntaryo rin umano silang sumama sa mga pulis patungo sa istasyon ngunit tumangging gumawa ng sinumpaang salaysay tungkol sa sinasabing pagkakadetine at pagbabanta.

Kinuwestiyon naman ni Duterte ang naging konklusyon ng PNP at iginiit na hindi sapat ang ginawang imbestigasyon sa insidente.

Tiniyak ni Nartatez na handa ang PNP na tumanggap ng reklamo at magbigay ng tulong sa sinumang nakararanas ng pagbabanta o pangamba para sa kanilang kaligtasan. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here