MANILA, Philippines – Hinimok ni Supreme Court Chief Justice Rodil Zalameda ang Court of Appeals (CA) na madaliin ang pagresolba sa mga nakabinbing apela kaugnay ng Ampatuan Massacre, kasabay ng ika-17 anibersaryo ng karumal-dumal na pagpatay sa 58 katao noong Nobyembre 23, 2009.
Sa kanyang unang flag-raising ceremony bilang punong mahistrado ng Korte Suprema nitong Lunes, binigyang-diin ni Zalameda na sapat na ang mahabang panahon ng paghihintay ng mga biktima at kanilang pamilya para makamit ang hustisya.
“I therefore urge the Court of Appeals to resolve the pending appeals with dispatch, consistent with due process and rights of all parties. Let us ensure that justice is not delayed any further,” pahayag ni Zalameda.
Kabilang sa mga napatay sa masaker ang 32 mamamahayag at media workers na kasama sa convoy ng pamilya at mga tagasuporta ni dating Buluan Vice Mayor Esmael Mangudadatu na nagtungo noon sa paghahain ng certificate of candidacy nito para sa 2010 gubernatorial elections.
Noong Disyembre 2019, hinatulan ng Quezon City Regional Trial Court ang ilang miyembro ng pamilya Ampatuan at iba pang akusado sa kasong multiple murder. Gayunman, nananatiling nakabinbin sa Court of Appeals ang mga apela laban sa hatol.
Kabilang din sa mga nakabinbing usapin ang pagkilala kay photojournalist Reynaldo “Bebot” Momay bilang ika-58 biktima, bagaman hindi kailanman natagpuan ang kanyang mga labi.
Samantala, tiniyak ni Zalameda ang proteksyon ng Korte Suprema sa mga hukom at court personnel kasunod ng pagpaslang kay Judge Joseph Wee Sit sa Zamboanga City noong Nobyembre 12.
Binigyang-diin niyang hindi dapat manaig ang takot at karahasan upang mapahinto ang operasyon ng mga hukuman at ang paghahatid ng hustisya.
Nanawagan din siya sa iba pang ahensya ng justice sector na magtulungan upang matiyak ang kaligtasan at kalayaan ng mga hukom sa pagtupad ng kanilang tungkulin.
Bilang bagong pinuno ng hudikatura, kabilang sa mga prayoridad ni Zalameda ang pagpapanatili ng kalayaan ng mga hukuman at pagpapahusay ng serbisyo ng Korte Suprema sa publiko.