MANILA, Philippines – Nagbukas ng karagdagang lane sa Mindanao Avenue Extension sa Caloocan City nitong Lunes ng umaga, Nobyembre 23.
Pinangunahan ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Giovanni “Banoy” Lopez ang inspeksyon ng 3.2 kilometrong haba ng kalsada na nagkokonekta sa Quirino Highway at General Luis Street.
Sa pagbisita, ipinag-utos ni Lopez ang agarang pagbubukas ng ikalawang westbound lane para maiwasan ang pagsisikip sa daloy ng trapiko na nararanasan ng mga motorista sa dating single-lane passable section nito.
“Ang tinitingnan lang naming issue ngayon is pagdating dun sa may dulo, magkaka choke point. Kasi inaayos pa yung kabuuan ng kalsada,” sinabi ni Lopez.
“Nonetheless, sabi ko nga, kung kaya na natin buksan, buksan na natin. Kasi nakita natin mismo yung traffic. We’re just using one lane, napakahaba na ho ng traffic. Especially ho kapag mga rush hour. So another lane, kahit pa paano makakatulong sa daloy po ng traffic.”
Noon pang 1980 nabuo ang ideya ng eight-lane highway na ito ngunit inabot ng limang dekada ang delay dahil sa mga hindi naresolbang right-of-way issues sangkot ang informal settler families (ISFs).
“Alam nyo po na ito ay naplano na 1980s pa. So this is 50 years in the making. For a 3.2 kilometers po na kalsada, ganun po katagal bago matapos,” ani Lopez.
Sinabi pa niya na ang pagkumpleto rito ay hindi lamang mahalaga sa mga motorista mula Caloocan at northern Metro Manila kundi maging ang pagsuporta sa connectivity at accessibility malapit sa Metro Manila Subway line.
Inaasahang mabubuksan pa ang karagdagang tatlong lane pagsapit ng Disyembre.
Layon ng ahensya na gawing eight-lane ang Mindanao Avenue Extension at fully operational sa unang quarter ng 2027. RNT/JGC