Home NATIONWIDE Hustisya sa mga biktima ng Maguindanao massacre patuloy na isusulong ng PTFOMS

Hustisya sa mga biktima ng Maguindanao massacre patuloy na isusulong ng PTFOMS

26
0

MANILA, Philippines – PATULOY na hinahangad ng Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) at ng mga pamilya ng mga biktima na makamit ang katarungan para sa kanilang mga mahal sa buhay na nasawi sa masaker sa Maguindanao, may 17 taon na na ang nakalilipas.

Ang mga hatol na nagresulta sa pagkakakondena sa mga sangkot noong 2019 ay nagsilbing mahalagang hakbang tungo sa pagkamit nito.

Gayunman, nagpapatuloy ang mga pagsisikap upang madala sa hukuman ang mga akusadong hindi pa naaaresto.

“Sa araw na ito, ginugunita natin ang lahat ng nasawi noong Nobyembre 23, 2009,” ayon kay PTFOMS Executive Director Jose A. Torres Jr.

Kabilang sa kanila ang 32 mamamahayag at mga manggagawa sa media na nagtungo sa lugar noong umagang iyon upang magbalita hinggil sa paghahain ng certificate of candidacy o sertipiko ng kandidatura.

Para sa kanilang mga pamilya, ang nagdaang labimpitong taon ay puno ng mga kaarawan, pagtatapos, at karaniwang mga araw sa tahanan na dapat sana ay kapiling nila ang kanilang mga mahal sa buhay.

“Labimpitong taon nang dinadala ng mga pamilya ang bigat ng kanilang pagkawala. Hindi nararapat na sila rin ang patuloy na magpaalala sa pamahalaan na hindi pa tapos ang kasong ito. Patuloy naming susubaybayan ang mga hindi pa naipatutupad na warrant of arrest at makikipagtulungan sa mga awtoridad upang madala sa hukuman ang mga natitirang akusado,” pahayag ni Torres

Noong Disyembre 19, 2019, hinatulan ni Judge Jocelyn Solis-Reyes ng Quezon City Regional Trial Court Branch 221 ang mga miyembro ng angkan ng Ampatuan at iba pa dahil sa kanilang pagkakasangkot sa masaker.

Nagpatuloy ang mga pagsisikap na ipatupad ang mga warrant of arrest matapos ang nasabing hatol.

Noong 2022, inaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police (PNP) si Datu Harris Ampatuan batay sa warrant of arrest na inilabas ng kaparehong hukuman kaugnay ng mga kasong multiple murder na nag-ugat sa masaker.

Patuloy na makikipag-ugnayan ang PTFOMS sa Philippine National Police at iba pang kinauukulang ahensya hinggil sa kalagayan ng mga hindi pa naipatutupad na warrant of arrest at sa mga hakbang na isinasagawa upang maipatupad ang mga ito.

Nararapat lamang na mabigyan ang mga pamilya ng malinaw na sagot tungkol sa mga nagawa na at sa mga hakbang na kailangan pang isakatuparan.

“Sa ika-17 anibersaryo ng masaker, nagbibigay-pugay tayo sa mga biktima at sa kanilang mga pamilyang patuloy na nagpapaalala sa bansa sa kanilang mga mahal sa buhay at sa kanilang ipinaglalaban,” ani Torres, sabay sabing “Ang ating paninindigan para sa kanila ay hindi nagtatapos sa araw na ito ng paggunita. Patuloy na isusulong ng PTFOMS ang pananagutan ng mga responsable sa masaker at ang pangangalaga sa kaligtasan ng mga mamamahayag na nagpapatuloy sa gawaing iniwan ng mga nasawi.” KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here