MANILA, Philippines – Nakita ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang umano’y doble, triple at maging quadruple na alokasyon para sa ilang flood control projects sa panukalang 2027 national budget, kahit nabigyan na ang mga ito ng pondo sa mga nakaraang taon.
Ayon kay Lacson, may mga proyektong napondohan na noong 2024, 2025 at 2026 ngunit mayroon pa ring nakalaang pondo sa 2027 budget.
Sinabi niyang isusulong niya ang pagtanggal sa mga dobleng alokasyon sa panahon ng amendments sa bersiyon ng Senado at, kung kinakailangan, sa bicameral conference committee.
“Hindi lang double. Meron pang triple, quadruple,” ani Lacson sa isang panayam.
Dagdag pa niya, hindi makatuwirang maglaan muli ng pondo para sa iisang proyekto kung mayroon na itong naunang alokasyon.
Hiwalay dito, iniulat din ni Lacson na nakakita ang kanyang team ng hindi bababa sa 30 umano’y ghost multi-purpose buildings (MPBs) sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
May mga gusaling nakatanggap na umano ng pondo noong 2024, 2025 at 2026 ngunit wala pa ring naitayong estruktura sa mga itinakdang lugar. May alokasyon din ang mga ito sa panukalang 2027 budget.
Samantala, sinabi ni Senate Finance Committee Chair JV Ejercito na aalisin ang mga proyektong mapatutunayang may iregularidad o kulang sa mga kinakailangang dokumento.
Nauna nang inirekomenda ng kanyang tanggapan ang pagtanggal sa tinatayang ₱97 bilyong halaga ng mga kuwestiyonableng proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Nagsimula na ang plenary deliberations ng Senado sa panukalang 2027 national budget nitong Nobyembre 23. Inaasahang magpapatuloy ang pagsusuri sa mga alokasyon bago pagtibayin ang bersiyon ng Senado at iharap sa bicameral conference committee. RNT