Home HOME BANNER STORY Duterte camp, tinutulan anonymity at closed-door testimonies sa ICC trial

Duterte camp, tinutulan anonymity at closed-door testimonies sa ICC trial

2
0

MANILA, Philippines – Tinutulan ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kahilingan ng prosekusyon sa International Criminal Court (ICC) na itago ang pagkakakilanlan ng karamihan sa mga testigo at isagawa nang sarado sa publiko ang testimonya ng ilan sa mga ito.

Sa isang public redacted filing na inihain noong Nobyembre 23 sa ICC Trial Chamber III, sinabi ni defense lead counsel Peter Haynes na maaaring malabag ng malawakang paggamit ng protective measures ang karapatan ni Duterte sa isang patas at pampublikong paglilitis.

Batay sa dokumento, hinihiling ng Office of the Prosecutor na bigyan ng anonymity ang 55 sa 69 testigong inaasahang magbibigay ng testimonya, kabilang ang 32 insider witnesses. Nais din ng prosekusyon na isagawa nang buong sarado ang testimonya ng 22 testigo.

Iginiit ng depensa na hindi sapat ang pangkalahatang pangamba sa seguridad o mataas na interes ng publiko upang bigyang-katwiran ang malawakang pagtatago sa mga testigo. Anila, kailangang may partikular at indibidwal na batayan ang bawat kahilingan para sa proteksiyon.

Ayon kay Haynes, mahalaga ang pampublikong paglilitis upang matiyak ang pagiging patas ng proseso at mapanatili ang tiwala ng publiko sa sistema ng hustisya.

Kinuwestiyon din ng depensa ang posibilidad na walang anumang insidente sa 56 na insidenteng nakasaad sa prosecution’s updated trial brief ang ganap na maririnig ng publiko kung pagbibigyan ang lahat ng hinihinging anonymity measures.

Hiniling ng kampo ni Duterte sa mga mahistrado na tanggihan ang full closed-session testimonies at gumamit lamang ng pseudonyms, voice distortion at pagtatago ng mukha kung may sapat na batayan. Iminungkahi rin nitong limitahan ang mga pribadong pagdinig sa mga sensitibong bahagi lamang ng testimonya.

Samantala, iginiit naman ng prosekusyon na kailangan ang mga hakbang upang maprotektahan ang kaligtasan, pisikal at sikolohikal na kapakanan, dignidad at privacy ng mga testigo.

Ayon sa nauna nitong paghahain sa korte, maaaring gumamit ng mga alyas, pagbabago sa boses at mukha, at closed-door sessions upang maiwasan ang posibleng pananakot o panganib sa mga testigo. Sinabi rin ng prosekusyon na mabibigyan pa rin ang depensa ng kumpletong pagkakakilanlan ng mga testigo upang maisagawa ang sariling imbestigasyon at cross-examination.

Sinuportahan din ng Common Legal Representatives of the Victims ang kahilingan ng prosekusyon, dahil sa umano’y panganib ng pananakot at panggigipit sa mga testigo at kanilang pamilya bunsod ng kasalukuyang kalagayang pampulitika at panlipunan sa Pilipinas.

Wala pang inilalabas na desisyon ang Trial Chamber III kung pagbibigyan ang mga hinihinging protective measures.

Nakatakdang simulan ang paglilitis kay Duterte sa Nobyembre 30 sa The Hague, Netherlands. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here