MANILA, Philippines – Nanguna ang Land Transportation Office (LTO) sa mga national government agency na may pinakamaraming reklamo mula sa publiko, matapos makapagtala ng 1,483 reklamo sa Anti-Red Tape Authority (ARTA) mula Enero hanggang Oktubre 2026.
Ayon kay ARTA Director General Ernesto Perez, sa naturang bilang, 1,419 reklamo ang naresolba habang 64 ang nananatiling nakabinbin.
Kabilang sa mga karaniwang inirereklamo laban sa LTO ang problema sa Land Transportation Management System (LTMS) online portal, pagproseso ng driver’s license, pagpaparehistro ng sasakyan, at pagkaantala sa paglabas ng Official Receipt at Certificate of Registration (OR/CR).
Kapansin-pansin din ang pagtaas ng reklamo laban sa ahensya kumpara noong 2025.
Batay sa naunang datos ng ARTA, nasa 414 lamang ang reklamo laban sa LTO mula Enero hanggang Oktubre 2025. Mahigit triple ang naitalang 1,483 reklamo sa kaparehong panahon ngayong taon.
Pumangalawa naman sa listahan ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na may 678 reklamo, kung saan 635 ang naresolba at 43 ang nakabinbin.
Sinundan ito ng Food and Drug Administration (FDA) na may 580 reklamo, Land Registration Authority–Registry of Deeds na may 461, at Philippine Statistics Authority (PSA) na may 449.
Kasama rin sa nangungunang sampung ahensya ang Department of Education (294), Department of Foreign Affairs (268), National Telecommunications Commission (254), Department of Human Settlements and Urban Development (212), at Department of Social Welfare and Development (201).
Ayon sa ARTA, rerepasuhin nito ang Citizen’s Charter ng LTO upang matukoy ang itinakdang panahon ng pagproseso ng mga transaksiyon, partikular ang mga serbisyong may reklamo sa pagkaantala.
Lumabas ang pinakahuling datos habang nagpapatuloy ang protesta ng transport group na MANIBELA laban sa umano’y korapsyon at mga iregularidad sa LTO.
Pinalawig ng MANIBELA hanggang Miyerkules, Nobyembre 25, ang kanilang tigil-pasada matapos kuwestiyunin ang posibleng pagbabago sa pamunuan ng ahensya at ang umano’y pagbabalik ng mga dating opisyal na nasangkot sa mga iregularidad.
Nauna namang tiniyak ni Transportation Secretary Vince Dizon na hindi niya papayagang makabalik sa LTO ang mga tauhang tinanggal dahil sa korapsyon.
Gayunman, hindi nangangahulugan na ang lahat ng reklamong naitala ng ARTA ay may kaugnayan sa mga alegasyon ng MANIBELA.
Samantala, patuloy na pinalalawak ng ARTA ang paggamit ng electronic Complaints Management System (eCMS) at virtual assistant na TALA upang mapabilis ang pagtanggap at pagproseso ng reklamo laban sa mga tanggapan ng pamahalaan.
Maaaring magsumite at subaybayan ng publiko ang kanilang reklamo sa pamamagitan ng online complaint management system ng ARTA. Dave Medina