MANILA, Philippines – Muling nagbabala ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa posibleng rotational brownouts sa ilang bahagi ng Visayas ngayong Martes, Nobyembre 24, dahil sa kakulangan ng suplay ng kuryente.
Batay sa alas-8 ng umagang advisory ng NGCP, nakatakdang isailalim sa red alert ang Visayas grid mula alas-5 hanggang alas-6 ng gabi.
Magkakaroon din ng yellow alert mula alas-3 hanggang alas-5 ng hapon at alas-6 hanggang alas-9 ng gabi.
Ayon sa NGCP, nasa 2,501 megawatts (MW) lamang ang available generating capacity ng Visayas grid, habang inaasahang aabot sa 2,529 MW ang peak demand.
Katumbas ito ng kakulangan na 28 MW sa oras ng pinakamataas na pangangailangan sa kuryente.
Ipinaliwanag ng NGCP na nagdedeklara ng red alert kapag hindi sapat ang available power supply upang matugunan ang pangangailangan ng mga konsyumer at ang kinakailangang regulating reserve ng transmission grid.
Samantala, itinataas ang yellow alert kapag kulang ang natitirang reserbang kuryente upang matugunan ang posibleng biglaang pagkawala ng suplay.
Kabilang sa mga dahilan ng kakulangan ang hindi paggana ng ilang power plant at ang pagbawas ng generating capacity ng iba pang planta.
Ayon sa NGCP, aabot sa 753.3 MW ang kabuuang kapasidad na hindi magamit dahil sa forced outages at derated operations ng mga planta.
May 21 power plant din na tumatakbo nang mas mababa sa kanilang normal na kapasidad.
Nadagdagan pa ang problema matapos mag-trip ang isang planta sa Leyte, na nag-ambag sa pagnipis ng reserbang kuryente sa Visayas.
Nitong Lunes, Nobyembre 23, isinailalim din sa red at yellow alerts ang Visayas grid dahil sa kakulangan ng power generation at pagbaba ng inaangkat na kuryente mula sa Mindanao.
Nauna nang inatasan ng Department of Energy (DOE) ang NGCP na maglagay ng mahigit 250 MW na battery energy storage system upang makatulong sa pagpapatatag ng suplay ng kuryente.
Samantala, naglabas din ang Energy Regulatory Commission (ERC) ng 24 show-cause orders laban sa 13 power generation companies kaugnay ng mga power outage sa Visayas at Mindanao.
Pinapayuhan ang mga residente na subaybayan ang mga anunsiyo ng kani-kanilang electric distribution utility hinggil sa posibleng power interruptions. Mary Anne Sapico