MANILA, Philippines – Nahaharap sa panibagong mahirap na milling season ang industriya ng asukal sa bansa dahil sa mababang produksyon, pagtaas ng gastos sa pagsasaka, El Niño at patuloy na pagdami ng peste na nagbabanta sa kita ng mga magsasaka.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), nagpahayag ng pangamba ang Sugar Regulatory Administration (SRA) Board dahil sa mababang tonelada ng naaani na tubo at mababang sugar yield sa ikalawang buwan ng 2026-2027 milling season.
Dagdag na problema ang mataas na presyo ng krudo at iba pang farm inputs, gayundin ang pagkalat ng red soft scale insect (RSSI) na nakaaapekto sa produktibidad ng mga taniman.
Ayon sa DA, maaaring lumawak ang epekto nito lampas sa mga sakahan at sugar mill, partikular sa Negros Occidental, ang pangunahing lalawigan sa produksiyon ng asukal sa bansa na pinagkukunan ng kabuhayan ng libu-libong residente.
Lalo pang nagpataas sa gastos sa produksyon ang sigalot sa Iran, kaya nangangamba ang mga magsasaka kung sapat ang kikitain sa kasalukuyang ani upang mabawi ang kanilang puhunan.
Nagbabala rin ang ahensiya na maaaring mawalan ng gana ang mga magsasaka na mamuhunan sa susunod na taniman, na posibleng magpalala sa problema sa suplay ng asukal.
Ayon kay SRA Board miller at farmer representative Mitzi Mangwag, kailangan ng mga sugar mill ang sapat na suplay ng tubo upang mabawi ang bilyun-bilyong pisong inilaan sa modernisasyon ng kanilang mga pasilidad.
“Any drop in sugarcane production is not good for our farmers, who are the backbone of the industry, and not good for our millers as well, especially at a time when they are modernizing,” ani Mangwag.
Sinabi naman ni SRA farmer representative Dave Sanson na dahil sa mataas na gastos at mababang produksyon, maaaring hindi na kayanin ng mga magsasaka na bumili ng pataba at iba pang pangangailangan sa kanilang mga sakahan.
“We have to ensure the survival of our farmers and millers,” ani Sanson.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., handa ang DA na makipagtulungan sa SRA at iba pang ahensiya upang mapigilan ang pagkalat ng RSSI, mapanatili ang produksyon at maprotektahan ang kita ng mga magsasaka.
“We cannot allow our farmers to shoulder these challenges alone. The government is prepared to step in with the necessary interventions, including support to contain the red soft scale insect infestation and measures to help protect farmers’ incomes,” pahayag ni Tiu Laurel.
Sinabi naman ni SRA Administrator Pablo Luis Azcona na kailangang balansehin ang makatarungan at matatag na presyo ng tubo sa antas ng sakahan, sapat na suplay at abot-kayang presyo ng asukal para sa mga mamimili at food manufacturers.
“As a farmer myself, the SRA Board and I support the call of farmer groups for a better, sustainable and stable farmgate price,” ani Azcona.
Dagdag niya, layunin ng patuloy na konsultasyon sa mga magsasaka, miller, negosyante at mga gumagawa ng polisiya na makabuo ng pagkakaisa para sa mas matatag na industriya.
Sinabi ng DA na humihingi rin ito, kasama ang SRA, ng karagdagang pondo mula sa pambansang pamahalaan upang maibsan ang epekto ng El Niño at RSSI sa mga magsasaka at komunidad na umaasa sa industriya ng asukal. RNT/MDS