MANILA, Philippines – Iginiit ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano nitong Lunes na dapat dumaan sa masusing pagbusisi ang lahat ng foreign loan agreement ng gobyerno upang matiyak na nasusuri ang mga proyektong pinopondohan nito at hindi basta nagiging obligasyon ng Kongreso ang bilyun-bilyong pisong utang.
“We have to look long-term and sustainability. I don’t think dapat may disconnect y’ung borrowing ng Executive and then forced na y’ung legislative to just approve it,” giit ni Cayetano sa pagtalakay ng Senado sa House Bill No. 10858 o panukalang 2027 General Appropriations Act (GAA) nitong November 23, 2026.
Bago ito, sa pagdinig ng Commission on Appointments (CA) sa nominasyon ni Douglas Michael Mallillin bilang chairperson ng Commission on Audit (COA), ipinaliwanag ni Cayetano na napipilitan ang Kongreso na aprubahan ang pondo para sa mga proyektong pinondohan ng foreign loans kahit hindi pa nasusuri nang mabuti ang halaga at pangangailangan ng mga ito.
Dagdag pa ng senador, karaniwan nang may arbitration clause ang mga kasunduan sa foreign loans. May ilang kasunduan din na nagtatakdang sa labas ng Pilipinas idaos ang paglutas sa mga hindi pagkakaunawaan.
Dahil dito, kahit pa tumanggi ang Kongreso na maglaan ng pondo para sa proyekto, tali na ang gobyerno at kailangan pa ring bayaran nito ang mga obligasyon nito.
“Even if Congress said they don’t like the project and they won’t pay, but you (Executive) signed on behalf of the Philippines at ito y’ung arbitration clause, you [still] have to pay,” wika niya.
Binigyang diin ni Cayetano na sa ilalim ng Article VI, Section 29 ng 1987 Constitution, hindi maaaring maglabas ng pera mula sa kaban ng bayan nang hindi ito pinagtitibay ng batas. Ibig sabihin, may kapangyarihan ang Kongreso na suriin at aprubahan ang paggasta ng gobyerno.
“If you look at the Constitution, on Section 29, it says ‘No money shall be paid out of Treasury except in pursuance of an appropriation bill made by law.’ Klaro iyon na ‘pag walang appropriation, hindi pwedeng ilabas y’ung pera,” aniya.
Ang problema aniya, pinapayagan din ng Article VII, Section 20 ng Konstitusyon ang Pangulo na pumasok o maggarantiya ng foreign loans sa ngalan ng Pilipinas, basta may paunang pagsang-ayon ng Monetary Board at sumusunod sa mga limitasyong itinakda ng batas.
Makailang beses nang binigyang diin ni Cayetano sa mga nakaraang budget deliberation ang pangangailangan sa mahigpit na pagsusuri ng Kongreso at mga pananggalang sa ilalim ng batas para matiyak na napapakinabangan ng bansa ang mga proyektong ipinangungutang ng gobyerno.
Nagbabala rin siya na maaaring umabot sa mga susunod na taon ang pagbabayad sa mga foreign loan alinsunod sa mga itinakdang schedule at grace period. Dahil dito, posibleng kailanganing maglaan ng pondo ang mga susunod na pambansang budget para sa mga obligasyong pinasok ng kasalukuyang administrasyon.
Bilang halimbawa, binanggit ni Cayetano ang mga flood control project na kasama sa ilang foreign loan agreement, kahit binawasan na ng Kongreso nitong mga nakaraang taon ang alokasyon para sa mga naturang proyekto.
“This is huge amounts of money, including foreign-assisted projects, na parang wala kaming choice kundi i-approve. Hindi talaga na-scrutinize ‘yan like the other parts of the P7 trillion national budget,” wika ni Cayetano.
Dahil dito, iminungkahi ni Cayetano na pag-aralan kung kailangan munang kumuha ng pahintulot sa Kongreso ang Executive bago pumasok sa mga kasunduan sa foreign loans.
Aniya, sa ganitong paraan, masisiguro na naisasaalang-alang ang pangmatagalang kakayahan ng bansa na bayaran ang mga uutangin nito.
“Think of sustainability. Should we have congressional approval before we borrow money?” aniya. Ernie Reyes