Home HOME BANNER STORY Pope Francis, ibinunyag sa talaarawan na 3 beses personal nakakita ng demonyo

Pope Francis, ibinunyag sa talaarawan na 3 beses personal nakakita ng demonyo

14
0

MANILA, Philippines – Isiniwalat ng yumaong Pope Francis sa kaniyang personal na talaarawan na tatlong beses niyang nakita ang demonyo at minsan ding nasilayan ang tinawag niyang “gates of hell.”

Ang mga sipi mula sa kaniyang talaarawan ay inilathala nitong Martes sa bagong aklat na “The Private Diary of Pope Francis,” na isinulat ni Argentine Cardinal Victor Manuel Fernandez.

Nilalaman ng aklat ang mga bahagi ng talaarawang isinulat ni Francis, na dating Jorge Bergoglio, mula 1992 hanggang 2024. Nakasaad dito ang kaniyang mga pangamba, pagsisisi, pagpuna sa sarili, pananampalataya at mga personal na karanasan.

Ayon kay Fernandez, hiniling mismo ni Francis sa kaniya na ipakilala sa publiko ang mga nilalaman ng talaarawang may itim na plastik na pabalat.

Sa isang bahagi ng kaniyang isinulat noong Enero 24, 2021, sinabi ni Francis na tatlong beses niyang nakita ang demonyo habang siya ay Arsobispo pa ng Buenos Aires at minsan sa Roma matapos ang pagbisita sa Chile.

Isinalaysay niyang una niya itong nakita mula sa bintana ng sasakyan. Inilarawan niya ang mga mata nito bilang nakatatakot ngunit tila nakaaakit.

Sa ikalawang pagkakataon, nakita niya umano ito sa isang kapilya ng mga Carmelite, kung saan inilarawan niya ang mga mata nito na tila nagliliyab.

Sa ikatlong pagkakataon naman, nakita at narinig niya umano ang tinig nito sa isang pagpupulong sa Roma.

Sinabi ni Francis na tinulungan siya ng Panginoon upang makalaya sa mga naturang karanasan.

Noong Hunyo 7, 2018, isinulat din niya na nakita niya ang “gates of hell” noong gabi bago iyon habang naghahanda siyang matulog.

“Pagan seduction in all its force. I watched a little, and it terrified me,” aniya, at idinagdag na kinuha niya ang rosaryo bilang sandata.

“It’s dangerous to get close to the gates of hell, because flames can spring out and burn,” dagdag niya.

Pagpuna sa sarili

Sa kaniyang talaarawan, hindi rin nag-atubili si Francis na punahin ang sarili dahil sa mga pagkakataong nakaramdam siya ng pagmamataas, inggit at pangmamaliit sa iba.

Inamin din niyang minsan ay hindi niya pinansin ang isang lasing na lalaking kumausap sa kaniya sa kalsada dahil nais niyang maglakad nang tahimik.

Noong Disyembre 30, 2022, inilarawan niya ang sarili bilang “The arrogant, self-sufficient, cynical Jorge who lies to himself.”

Madalas ding mabanggit sa kaniyang mga isinulat ang awa at habag ng Diyos.

Noong Enero 5, 1997, isinulat niya: “In hindsight, I realised all the harm I’ve caused in my life. How much of the Lord’s mercy I need!”

Ipinakita rin ng talaarawan ang mga pangamba ni Francis tungkol sa pagtanda at sa nalalabing panahon ng kaniyang buhay.

Noong 1996, sa edad na 60, isinulat niya: “I want to do good with the little time I have left, hoping to be kind.”

Noong 2001, sinabi rin niyang naiisip niya ang pagtatapos ng buhay pagsapit sa edad na 65.

Kahit naging Santo Papa na noong 2013, patuloy pa rin ang kaniyang mga pangamba. Noong Abril 9, 2016, isinulat niya na dumami ang mga pag-atake ng demonyo sa iba’t ibang anyo at inisip kung palatandaan ito na nauubos na ang kaniyang panahon.

May 86 na pahina ang talaarawang isinulat bago siya mahalal na Santo Papa noong 2013 at 55 pahina naman matapos ang kaniyang pagkahalal.

Namatay si Pope Francis noong Abril 21, 2025. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here