MANILA, Philippines – Bitbit umano ng Pakistani astronaut na si Muhammad Zeeshan Ali ang pag-asa ng 250 milyong mamamayan ng Pakistan sa pagsali niya sa bagong misyon ng China sa kalawakan.
Si Ali ang magiging unang dayuhang astronaut na sasakay sa Tiangong space station ng China sa paglulunsad ng Shenzhou-24 mission ngayong Miyerkules.
Ayon kay China Manned Space Agency (CMSA) spokesperson Zhang Jingbo, nakatakdang ilunsad ang misyon alas-8:18 ng umaga (oras sa China) mula sa Jiuquan launch center sa Gobi Desert sa hilagang-kanluran ng China.
βI carry the name of Pakistan on my shoulder, the hopes of 250 million Pakistanis,β pahayag ni Ali sa isang news conference.
βTo every child who is watching while I’m in orbit, just look up at the sky and remember that I am up there with your dreams,β dagdag niya.
Si Ali ay isang payload specialist at inaasahang mananatili sa kalawakan nang humigit-kumulang limang araw bago bumalik sa Earth sakay ng Shenzhou-23 spacecraft, na dumaong sa Tiangong noong Mayo.
Hindi siya ang unang Pakistani na nakapunta sa kalawakan. Nauna rito si polar explorer Namira Salim, na sumali sa Galactic 04 mission ng Virgin Galactic noong Oktubre 2023.
Malaki ang inilalagak na pondo ng China sa space program nito upang makahabol sa pangunahing karibal na United States.
Sa kasalukuyan, pinamumunuan ni Zhu Yangzhu ang tatlong astronaut na nasa Tiangong, kasama sina Lai Ka-ying at Zhang Zhiyuan. Si Lai ang kauna-unahang astronaut mula Hong Kong at nag-iisang babae sa kasalukuyang crew.
Matapos dumating ang bagong crew, babalik sa Earth sina Ali, Lai at Zhang. Mananatili naman si Zhu upang makumpleto ang unang isang-taong pananatili ng China sa kalawakan.
Sasamahan siya sa susunod na anim na buwang rotation nina veteran astronaut Tang Hongbo at Wu Yi, na unang beses na sasabak sa isang space mission.
Ayon sa CMSA, nasa maayos na kondisyon ang crew at normal ang operasyon ng Tiangong space station bago ang paglulunsad. RNT/MDS