Home METRO Lalaki sa Tondo, inaresto ng NBI; 14-anyos, nasagip

Lalaki sa Tondo, inaresto ng NBI; 14-anyos, nasagip

1
0

MANILA, Philippines – Arestado ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang lalaki sa Tondo, Maynila, habang nasagip ang isang 14-anyos na batang lalaki na umano’y biktima ng online at pisikal na seksuwal na pang-aabuso.

Isinagawa ng NBI-Violence Against Women and Children Division (NBI-VAWCD) ang operasyon sa bisa ng search warrant at sa pakikipagtulungan sa iba’t ibang ahensiya, kabilang ang DOJ-National Coordination Center Against Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (DOJ-NCC-OSAEC-CSAEM).

Nagsimula ang imbestigasyon noong Setyembre 2026 matapos makatanggap ang NBI ng referral kaugnay ng dalawang CyberTipline report mula sa National Center for Missing and Exploited Children (NCMEC). Tinukoy sa mga ulat ang suspek na umano’y sangkot sa pagpapakalat ng mga materyal na nagpapakita ng seksuwal na pang-aabuso sa mga bata.

Matapos ang surveillance at beripikasyon, nakakuha ang NBI-VAWCD ng Warrant to Search, Seize, and Examine Computer Data mula sa Regional Trial Court ng Maynila noong Nobyembre 5, 2026.

Sa operasyon, nakumpiska ang tatlong cellphone na sinuri ng NBI digital forensic examiner. Nakita sa mga ito ang maraming file na nagpapakita ng seksuwal na pang-aabuso sa mga bata.

Natagpuan din sa bahay ng suspek ang 14-anyos na biktima na nagsiwalat sa panayam sa NBI na umano’y seksuwal siyang inabuso ng lalaki sa naturang tirahan.

Dinala ang bata, kasama ang kaniyang guardian at isang social worker, sa tanggapan ng NBI para sa kaukulang tulong at proteksyon.

Inaresto ang suspek at isinailalim sa inquest proceedings noong Nobyembre 7, 2026, sa Department of Justice sa Maynila.

Nahaharap siya sa mga kasong paglabag sa Sections 4(c) at 4(r) ng Republic Act 11930 o Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials Act, at rape by sexual assault kaugnay ng Section 5(b) ng Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Ayon sa NBI, patuloy nitong paiigtingin ang mga operasyon laban sa online at pisikal na seksuwal na pang-aabuso sa mga bata sa pamamagitan ng masusing imbestigasyon, digital forensic examination at pakikipagtulungan sa mga lokal at internasyonal na organisasyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here