MANILA, Philippines – Kalaboso ang sinapit ng apat na dayuhan makaraang makuhanan ng iba’t ibang kagamitang pang-komunikasyon at dalawang sasakyan sa isinagawang operasyon ng pulisya laban sa hinihinalang cyber-enabled scam operation sa Silang, Cavite.
Sa report na nakalap mula sa pulisya, sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng Silang Police, Police Intelligence Unit ng Cavite Police Provincial Office, at Bureau of Immigration (BI) Region 4A ang Apple Mango resort sa kahabaan ng Aguinaldo Highway, Barangay Lalaan 1 ng nasabing bayan.
Kinilala ang mga suspek na kapwa mga Korean national na sina Sang Oh, Hyeong Jun Park, Jung Ho Kim, at Lee Sang Ouk.
Napag-alaman na nag-ugat ang operasyon kaugny sa natanggap na impormasyon na ginagamit umano ang nasabing resort bilang sentro ng scam at phishing activities.
Base sa pulisya, bandang alas-8:00 ng gabi nagsagawa ng surveillance ang mga awtoridad at nakipag-ugnayan sa BI bago isinagawa ang pagsalakay.
Narekober mula sa lugar ang walong computer monitor, apat na central processing unit (CPU), walong cellular phone, dalawang safety vault, at dalawang sasakyan—isang Kia Carnival at isang isang Hyundai Creta.
Sasailalim ang mga nakumpiskang kagamitan sa masusing pagsusuri at dokumentasyon upang matukoy ang kaugnayan nito sa ilegal na operasyon.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Silang Municipal Police Station ang mga suspek at ang mga nakunpiskang mha ebidensya habang inihahanda ang kasong paglabag sa Republic Act No. 8484 (Access Devices Regulation Act of 1998), Republic Act No. 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012), mga batas sa imigrasyon, at iba pang lokal na ordinansa. MARGIE BAUTISTA