MANILA, Philippines – Inaasahang maghahain ang prosecution team ng International Criminal Court (ICC) ng mahigit 100 testigo sa paglilitis laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na nakatakdang magsimula sa Nobyembre 30.
Ayon kay ICC Spokesperson Oriane Maillet nitong Martes, ito ang kauna-unahang paglilitis na may kaugnayan sa sitwasyon sa Pilipinas.
Sinabi ni Maillet na inaasahang tatawagin ng prosecution ang humigit-kumulang 100 testigo sa kabuuan ng paglilitis. Pagkatapos maiharap ang kanilang mga ebidensya at testigo, magkakaroon naman ng pagkakataon ang depensa na magharap ng sariling ebidensya at mga saksi.
Bukod dito, pinahintulutan din ng korte ang mahigit 500 biktima na makilahok sa paglilitis sa pamamagitan ng kanilang mga legal representative.
Tiniyak ni Maillet na may obligasyon ang ICC na protektahan ang mga biktima at testigo. Maaari umanong magpatupad ang mga hukom ng mga hakbang pangseguridad depende sa kalagayan ng bawat testigo upang mapangalagaan ang kanilang kaligtasan at kapakanan.
Hindi pa matukoy ang eksaktong haba ng paglilitis dahil nakadepende ito sa dami ng mga testigo at sa lawak ng mga ebidensyang ihaharap.
Ayon kay Maillet, malawakang paghahanda ang isinagawa ng korte para sa paglilitis dahil nakakuha ito ng malaking atensyon mula sa publiko sa loob at labas ng bansa.
Maaaring mapanood nang personal o online ang mga briefing ng ICC. Gayunman, maaari ring magsagawa ng pribado o saradong pagdinig ang mga hukom upang maprotektahan ang mga kumpidensiyal na impormasyon.
Binigyang-diin din ni Maillet na walang layuning pampolitika ang korte at ang tungkulin nito ay alamin sa pamamagitan ng patas at walang kinikilingang proseso kung mapatutunayan ng ebidensya ang mga kasong isinampa laban kay Duterte.
Dagdag pa niya, nananatiling inosente ang dating pangulo hangga’t hindi napapatunayang nagkasala sa harap ng korte.
Pangungunahan ni Presiding Judge Joanna Korner ang paglilitis kasama sina Judge Keebong Paek at Judge Nicolas Guillou.
Sa unang bahagi ng paglilitis, aalamin muna ng mga hukom kung nauunawaan ni Duterte ang mga kasong isinampa laban sa kanya bago siya hingan ng kanyang plea o pormal na tugon sa mga paratang.
Susundan ito ng opening statements mula sa prosecution team at mga legal representative ng mga biktima. Sa mga susunod na bahagi naman ihaharap ang opening statement ng depensa.
Inaasahang magsisimula ang testimonya ng unang testigo ng prosecution pagkatapos ng mga pambungad na pahayag. Target ding makapagtestigo ang unang limang saksi bago magsimula ang winter judicial recess sa Disyembre 18. RNT/JGC