MANILA, Philippines – Hindi pa nakakapagpasa ng buong breach report ang 11 ahensya ng pamahalaan kasunod ng hacking incidents, ayon sa National Privacy Commission (NPC).
Sinabi ni NPC spokesperson Jose Amelito Belarmino II na may kabuuang 13 ahensya ng pamahalaan ang napaulat na na-hack.
“Inaantay namin iyong full breach report ng ilang ahensiya. In fact, doon sa 13 na government agencies na na-breach at nag-report sa amin noong between November 9 to November 13, dalawa pa lamang iyong nagsusumite ng full breach report. So iyong iba po, wala pa pong isinusumite,” sinabi ni Belarmino.
Ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Securities and Exchange Commission (SEC) ang dalawa pa lamang sa napaulat na nakapagpasa na ng breach report bagamat hindi na pinangalanan ang natitirang 11.
Ani Belarmino, sa ilalim ng batas, ang mga ahensyang na-hack ay obligadong magpasa ng full report limang araw matapos nilang maabisuhan ang NPC.
Ang bigong pagpasa nito ay isa nang paglabag. RNT/JGC