ANTIQUE, Philippines – Nagpatupad ng suspensyon ng klase sa ilang bayan sa Iloilo at nagpa-evacuate ng mga estudyante, kawani ng pamahalaan at mga kliyente sa mga pampublikong tanggapan matapos tumama ang magnitude 5.1 na lindol sa Antique nitong Miyerkules ng umaga.
Ayon sa paunang bulletin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), naganap ang lindol dakong alas-7:29 ng umaga, na may epicenter 14 kilometro sa timog-silangan ng Valderrama, Antique, at may lalim na 10 kilometro.
Naramdaman ang pagyanig sa iba’t ibang bahagi ng Western Visayas, Negros Island Region, Central Visayas at Romblon.
Kabilang sa mga bayan sa Iloilo na nagsuspinde ng klase sa lahat ng antas ang Pototan, Cabatuan, Badiangan at New Lucena bilang pag-iingat laban sa posibleng aftershocks.
Inatasan ng Pototan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council ang mga paaralan na inspeksyunin ang kanilang mga gusali at pasilidad at agad iulat sa mga awtoridad ang anumang pinsala.
Sa Cabatuan, kung saan naitala ang Intensity IV na pagyanig, sinuspinde rin ang klase sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan upang bigyang-daan ang pagsusuri ng mga engineering at disaster response team sa kalagayan ng mga gusali.
Nag-utos din ng suspensyon ng klase sa lahat ng antas sina Badiangan Mayor Suzette Mamon at New Lucena Mayor Carl “Toto” Mondejar. Inatasan ang mga kaukulang tanggapan na inspeksyunin ang mga paaralan at iba pang pasilidad.
Samantala, nagkaroon din ng paglikas sa ilang gusali ng pamahalaan at paaralan sa Iloilo City.
Lumikas ang mga estudyante ng West Visayas State University Main Campus patungo sa football field. Nagtipon naman sa mga open area ang mga empleyado at kliyente ng Iloilo Provincial Capitol habang isinasagawa ang inspeksyon.
Ayon kay Engineer Jeb A. Escarilla, officer-in-charge ng Office of the Provincial Engineer, walang nakitang structural damage sa gusali ng kapitolyo matapos ang inspeksyon.
Nag-evacuate din ang mga kawani sa Iloilo City Hall at tanggapan ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Batay sa Phivolcs, pinakamalakas ang naitalang instrumental intensity sa Valderrama, Antique na nasa Intensity V o strong.
Naitala naman ang Intensity IV sa Culasi, Antique; Buenavista at Jordan, Guimaras; Passi City, Iloilo; at Bago City, Negros Occidental.
Naramdaman ang Intensity III sa ilang lugar sa Aklan, Antique, Capiz, Iloilo at Negros Occidental, habang Intensity II ang naitala sa ilang bayan sa Guimaras, Negros Occidental at Romblon.
Intensity I naman ang naitala sa Anini-y, Antique, at sa mga bayan ng Argao at Liloan sa Cebu.
Nanawagan ang mga lokal na awtoridad sa publiko na manatiling kalmado, mag-ingat sa posibleng aftershocks at subaybayan ang mga opisyal na anunsyo. Hindi pa tukoy sa mga paunang ulat ang lawak ng pinsala at kung may nasaktan sa lindol. RNT/MDS