Home NATIONWIDE Patuloy na pagsuporta sa mga programa kontra pagkabansot ng mga bata, ipinangako...

Patuloy na pagsuporta sa mga programa kontra pagkabansot ng mga bata, ipinangako ni PBBM

1
0

MANILA, Philippines – Nangako si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipagpapatuloy ng pamahalaan ang mga programang naglalayong pangalagaan ang mga buntis na ina at mga batang hanggang dalawang taong gulang upang maiwasan ang pagkabansot (stunting).

Ito ay kasabay ng pagtatapos ng apat na taong implementasyon ng Philippine Multisectoral Nutrition Project (PMNP).

“Sa pamamagitan ng Alagang Pinas Summit, ang mga serbisyong sinimulan sa ilalim ng PMNP ay magpapatuloy upang matiyak na ang bawat batang nangangailangan ng tulong sa nutrisyon ay makatatanggap ng angkop at sapat na pangangalaga,” pahayag ni Pangulong Marcos sa kanyang talumpati sa Clark, Pampanga.

Ang PMNP ay isang inisyatiba na pinagtutulungan ng Department of Health (DOH), World Bank, at United Nations Children’s Fund (UNICEF). Layunin nitong mabawasan ang pagkabansot at malnutrisyon ng mga bata sa pamamagitan ng pagpapalawak ng access sa mga serbisyong pangnutrisyon para sa mga buntis na ina at sanggol sa unang 1,000 araw ng kanilang buhay.

Ang nasabing summit ay nagsilbi ring pagtatapos ng apat na taong implementasyon ng PMNP na may temang “Alagang Pinas Tungo sa Mas Malusog na Bukas: Sustained First 1,000 Days (F1KD) Convergence.”

Winika pa ng Pangulo, umabot na sa 6.17 milyon ang mga benepisyaryong natulungan ng PMNP sa 235 kalahok na munisipalidad hanggang Setyembre 30, 2026.

Samantala, nasa 549,000 batang wala pang limang taong gulang ang nakinabang sa programa, habang 134 na kalahok na munisipalidad ang nagtala ng malaking pagbaba sa bilang ng mga batang may pagkabansot matapos ang dalawang taon.

Sinabi rin ni Marcos na pinalalakas ng pamahalaan ang kakayahan ng mga lokal na pamahalaan na ipatupad ang mga programa, kasabay ng pagkilala sa mga umiiral na limitasyon at kakulangan na kailangan pang tugunan.

Sa kabilang dako, sinabi naman ng Department of Health (DOH), bumaba ang antas ng pagkabansot sa mga batang wala pang dalawang taong gulang sa Pilipinas mula 22.5 porsiyento noong 2023 hanggang 21.1 porsiyento noong 2025.

Nauna nang sinabi ni Health Secretary Edwin Mercado na walo sa bawat sampung batang dalawang taong gulang pababa ay may sapat na taas batay sa kanilang edad.

Gayunman, sinabi niyang malayo pa rin ang bansa sa mga target na itinakda sa ilalim ng Philippine Plan of Action for Nutrition (PPAN) 2023–2028.

Layunin ng nasabing plano na pababain sa 17.9 porsiyento o mas mababa pa pagsapit ng 2028 ang antas ng pagkabansot sa mga batang wala pang limang taong gulang. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here