Home NATIONWIDE 2027 budget sa school feeding program kapos; Grade 2 ‘di kasali –...

2027 budget sa school feeding program kapos; Grade 2 ‘di kasali – EDCOM2

1
0

MANILA, Philippines – Hinimok ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) ang Kongreso na buong pondohan ang School-Based Feeding Program (SBFP) sa 2027 budget upang maipatupad simula Hunyo 2027 ang bagong ratipikadong National Children’s Nutrition Act.

Ginagawang universal ng panukala ang school-based feeding para sa mga mag-aaral sa pampublikong paaralan mula Kindergarten hanggang Grade 3.

Ngunit ang panukalang 2027 budget, na inihanda bago ma-ratipikahan ang batas, ay nagpopondo lamang ng libreng pagkain para sa Kindergarten at Grade 1. Kulang ito ng ₱6.3 bilyon para suportahan ang 1.8 milyong Grade 2 learners, gamit ang phased approach sa pagpapatupad ng bagong panukala.

Sa ilalim ng panukalang FY 2027 National Expenditure Program (NEP), ₱11.4 bilyon lamang ng budget ng DepEd ang inilaan para sa SBFP. Mas mababa ito ng 55.5% kaysa sa ₱25.695 bilyon na inaprubahan para sa 2026, at sapat lamang upang pakainin ang 3.7 milyong learners sa loob ng 120 araw.

Gayunpaman, nagdagdag ang Senate Committee on Finance ng ₱11 bilyon sa SBFP, kaya umabot ito sa ₱22.4 bilyon.

Isang welcome step ang dagdag ng Senado, ngunit ang buong pagpopondo sa school feeding sa ilalim ng bagong batas — na kinabibilangan ng universal feeding para sa Kinder hanggang Grade 3, at targeted feeding para sa Grades 4 hanggang 6 — ay nangangailangan ng ₱34.58 bilyon. Kahit sa bersyon ng Senado na ₱22.4 bilyon, kulang pa rin ang SBFP ng ₱12.2 bilyon.

Kung walang buong pondo, hindi maibibigay ng programa ang hinihingi na ngayon ng batas.

Hinimok ng EDCOM 2 ang Kongreso na iayon ang 2027 SBFP budget sa National Children’s Nutrition Act, simula sa ₱6.3 bilyon na kailangan upang maisama ang mga papasok na Grade 2 learners.

Kung wala ito, maiiwan ang mga Grade 2 learners sa unang taon ng batas, kahit ginagarantiyahan na sila ngayon ng pang-araw-araw na pagkain.

Binigyang-diin din ni Education Secretary Sonny Angara ang pangangailangan ng mas malaking budget upang palawakin ang SBFP.

Pinalalawig din ng batas ang school-based feeding sa mga wasted at severely wasted learners sa Grades 4 hanggang 6, na tinatayang nasa 711,000, at sa mga nutritionally at-risk pregnant adolescent learners, na umabot sa 7,276 ayon sa tala ng DepEd noong Oktubre 2026.

Mas mahal din ang pagkain kaysa sa kasalukuyang ₱25 benchmark. Sa presyo noong 2026, ang mga sangkap para sa mga pagkaing niluluto sa bulk central kitchens ay nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱26.70 bawat pagkain, at ang sariling alokasyon ng DepEd para sa 2026 ay lumalabas na ₱27.65 bawat learner bawat feeding day, kabilang ang non-food costs.

Ang isang nutritionally adequate hot meal batay sa DOST-FNRI menus ay nagkakahalaga ng ₱36.93.

Kaya naman kinukwenta ng EDCOM 2 ang buong pondo sa 145 feeding days at ₱30 bawat pagkain, isang mas makatotohanang batayan kaysa sa 180 araw sa ₱25.

Sa batayang ito, ang buong pagpopondo sa SBFP sa ilalim ng bagong batas ay nangangailangan ng ₱34.58 bilyon — ₱12.15 bilyon na mas mataas kaysa sa ₱22.431 bilyon sa bersyon ng Senado ng 2027 General Appropriations Bill.

Pinagmulan: DepEd SY 2025-2026 Enrollment; Bilang ng Pregnant Learners mula sa datos ng DepEd noong ika-15 ng Oktubre 2026

“Sa kasalukuyan, Kinder at Grade 1 pa rin ang mabibigyan ng libreng pagkain sa paaralan susunod na school year. Meron pang 1.8 million Grade 2 students na kailangan po nating suportahan at mabigyan ng pagkakataong lumaki ng busog, malusog, at handang matuto. 6.3 bilyon po ang kailangan nating mahanap para maisama ang mga Grade 2 learners. Wala pa po itong 0.08% ng pambansang budget. Kailangan natin mailaan ito para mabigyan ang karagdagang 1.8 million mag-aaral ng libre at masustansyang pagkain sa paaralan,” sabi ni EDCOM 2 Co-Chairperson Sen. Bam Aquino.

Para kay Aquino, ang pagpapalawak ng school-based feeding ay isa ring pamumuhunan sa kalusugan ng mga bata, pag-aaral, at kakayahan ng mga pamilya na matugunan ang iba pang pangunahing pangangailangan.

“Malaking hakbang ito para matugunan ang kakulangan sa nutrisyon na nakaaapekto sa kalusugan, pag-aaral, at kakayahang matuto ng ating mga bata. Kasabay nito, mababawasan din ang gastusin ng mga magulang sa pagkain ng kanilang mga anak at magagamit nila ang budget para sa iba pang pangangailangan ng pamilya,” aniya.

Ang National Children’s Nutrition Act, isang Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) priority measure, ay pangunahing inakda nina EDCOM 2 Co-Chairpersons Sen. Bam Aquino, Sen. Joel Villanueva, Rep. Roman Romulo, at Rep. Jude Acidre.  Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here