MANILA, Philippines – Kapwa sugatan ang isang 11-anyos na babae at 9 na taong gulang na lalaki matapos itong undayan ng saksak ng 12-anyos na lalaking grade 6 pupil sa loob ng kanilang pinapasukang paaralan sa Caloocan City, napaulat kahapon ng umaga.
Ang mga biktima na isang grade 6 at grade 4 pupil ay isinugod sa Kaagad na Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital matapos magtamo ng mga tama ng saksak sa bahagi ng kanilang katawan.
Kaagad namang na-rescue ng pulisya ang estudyanteng nanaksak, na sa kasalukuyan ay nasa pangagalaga na ng City Social Welfare and Development (CSWD) Office ng lokal na pamahalaan, para sa wastong interbensiyon.
Batay sa report na nakalap mula sa tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, madalas umanong ma-bully ng kapwa estudyante sa Kalayaan Elementary School sa Brgy.176-F Bagong Silang ang children in conflict with the law (CICL).
Hindi lamang umano pisikal na pang-aabuso tulad ng pananampal ng kapuwa kamag-aral ang dinaranas ng CICL kundi pati na panlilibak, pangungutya, at panunuya kaya’t nagpasiyang hindi na lamang pumasok sa paaralan.
Bunga nito, hindi pumasok kahapon sa paaralan ang CICL subalit nang malaman ng kanyang lola ang pagliban nito ay pilit itong pinapasok sa klase .
Subalit lingid sa kaalaman ng lola ng CICL ang pagkuha nito ng kutsilyo mula sa kanilang kusina at isiningit ito sa isang aklat.
Pagdating sa paaralan ng ala-6:01 ng umaga, nakita ng CICL na nagtitipon na ang mga mag-aaral para pumila sa lobby at dito na niya sinugod ng saksak ang mga biktima. (Merly Duero)