Home METRO Suspek sa pamamaril sa may-ari ng aso sa Paco, sumuko na

Suspek sa pamamaril sa may-ari ng aso sa Paco, sumuko na

1
0

MANILA, Philippines – Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek sa pamamaril at pagpatay sa isang lalaki matapos umanong magtalo dahil sa alagang aso sa Paco, Maynila.

Ayon sa pulisya, kusang-loob na sumuko ang suspek na si Mark Morales matapos tumakas kasunod ng insidente.

Batay sa imbestigasyon, hinabol ng alagang German Shepherd ng biktima ang dalawang batang nagbibisikleta, kung saan isa sa mga ito ang nakagat.

Namagitan umano si Morales nang mapansin niya ang batang nakatuntong sa isang nakaparadang sasakyan matapos makagat ng aso.

Kasama ang isang barangay tanod, pinuntahan nila ang may-ari ng aso upang pagsabihan ito. Ngunit nauwi sa mainitang pagtatalo ang kanilang pag-uusap.

Ayon sa pulisya, bumunot umano ng kutsilyo ang biktima kaya gumanti ang suspek at binaril ang may-ari ng aso.

Kaugnay nito, pinaalalahanan ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang mga pet owner na maging responsable sa pag-aalaga ng kanilang mga hayop.

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso, hindi dapat hayaang gumala ang mga aso sa kalsada dahil maaari itong magdulot ng panganib, kabilang ang pagkakagat sa mga tao.

Binigyang-diin ng alkalde na may kaakibat na pananagutan ang pag-aalaga ng hayop. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here