MANILA, Philippines – Hinimok ng Philippine National Police (PNP) si puganteng negosyanteng si Atong Ang na sumuko matapos maglabas ng panibagong arrest warrant laban sa kaniya kaugnay ng pagkawala ng ilang sabungero.
Kinumpirma ni PNP Public Information Office chief PBGen. Allen Rae Co na naglabas ang Manila Regional Trial Court ng warrant laban kina Ang at dating pulis na si Ryan Jay Orapa noong Oktubre 30, 2026, dahil sa kasong kidnapping and serious illegal detention.
Hindi maaaring piyansahan ang naturang kaso matapos makita ng korte ang sapat na ebidensiya upang maitatag ang probable cause at isailalim sa paglilitis ang dalawa.
“If he will see it himself to turn himself over for his side to be heard and if he really believes na he is innocent, this is the best time to turn himself in para maharap ‘yung mga kaso at mapatunayan kung wala talaga siyang kasalanan,” ani Co.
Nagtatago si Ang matapos maglabas ng mga arrest warrant ang mga korte sa Laguna at Batangas kaugnay ng magkakahiwalay na kaso ng pagkawala ng mga sabungero.
Nahaharap siya sa ilang bilang ng kasong kidnapping with homicide at kidnapping and serious illegal detention. Itinanggi naman niya ang mga paratang laban sa kaniya.
Ayon kay Co, nagpapatuloy ang operasyon ng pulisya upang matunton si Ang, ngunit hindi muna inilalabas ang iba pang detalye ng manhunt.
“We have been actively looking for him and again, this is an active manhunt operation so we cannot disclose any other further details unless meron na tayong update then we will update you at the proper time,” aniya.
Tungkol naman sa magkakasalungat na impormasyon hinggil sa kinaroroonan ni Ang, sinabi ni Co na hindi magpapadala ang pulisya sa mga impormasyong maaaring makalito sa operasyon.
“We will concentrate on what we are doing kasi this could be misleading information na binibigay,” dagdag niya.
Bineberipika rin ng PNP ang naunang pahayag ni Interior Secretary Jonvic Remulla na nakalabas umano ng bansa si Ang sa pamamagitan ng “backdoor” route.
Sinabi ni Co na tumatanggap ng impormasyon ang kalihim mula sa iba’t ibang source at naghihintay ang pulisya ng karagdagang gabay mula rito.
Una nang sinabi ng Department of Justice na walang record ang Bureau of Immigration na lumabas ng bansa si Ang.
May nakalaang P20 milyong pabuya para sa impormasyong makatutulong sa pagkakaaresto sa negosyante.
Noong Lunes, sinabi ni Remulla na patuloy ang pagtugis ng mga awtoridad sa mga high-profile fugitive at umaasa siyang magkakaroon ng resulta ang operasyon bago matapos ang taon.
“Makakaasa kayo na good results will come soon,” ani Remulla. RNT/MDS