MANILA, Philippines – Tinatayang nasa halos P370 milyon halaga ng high-grade marijuana o “Kush” na nasa higit 307 kilo ang nasamsam ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) mula sa dalawang magkahiwalay na shipment na nagmula sa Thailand.
Ayon sa BOC, nasabat ang dalawang kargamento noong Nobyembre 23, 2026 na nakatakdang ipadala sa mga consignee sa Bulacan at Caloocan City.
Nadiskubre ang kontrabando matapos magsagawa ng masusing pagsusuri ang mga tauhan ng BOC-NAIA batay sa impormasyong natanggap mula sa Thailand Customs at resulta ng cargo profiling.
Naghinala ang mga awtoridad sa laman ng mga kargamento matapos makitaan ng kahina-hinalang imahe sa isinagawang X-ray screening.
Agad namang nagsagawa ng K9 inspection ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) upang matukoy kung may ilegal na droga sa loob ng mga kahon.
Sa aktuwal na pagbubukas at pagsusuri sa mga shipment, tumambad sa mga tauhan ng Customs ang high-grade marijuana na nakasilid sa kabuuang 164 na kahon.
Lalong naging kahina-hinala ang mga kargamento dahil idineklara ang mga ito bilang truck side mirrors at iba’t ibang laruan na gawa sa plastik para sa mga bata.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay ng pagkakasabat sa malaking halaga ng ilegal na droga at upang matukoy ang mga taong nasa likod ng tangkang pagpapasok nito sa bansa. JAY Reyes