Home NATIONWIDE Kontra fake news: Critical media literacy, ipinasasama sa kurikulum

Kontra fake news: Critical media literacy, ipinasasama sa kurikulum

1
0

MANILA, Philippines – Isinusulong sa House of Representatives ang panukalang batas na magtuturo sa mga estudyante kung paano kilalanin ang fake news, suriin ang impormasyong nakikita sa social media at umiwas sa panlilinlang gamit ang artificial intelligence (AI).

Sa ilalim ng House Bill No. 12061 o Critical Media Literacy Act of 2026, nais gawing bahagi ng kurikulum ang Critical Media and Information Literacy mula elementarya hanggang kolehiyo.

Inihain ang panukala nina ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio, Gabriela party-list Rep. Sarah Elago at Kabataan party-list Rep. Renee Co.

Layunin nitong palakasin ang kakayahan ng mga mag-aaral na suriin ang pinagmumulan ng impormasyon at tukuyin kung mapagkakatiwalaan ang mga balita, larawan at video na kumakalat sa internet.

Kabilang sa mga problemang nais tugunan ng panukala ang paglaganap ng AI-generated content, deepfake videos, pekeng balita at iba pang mapanlinlang na materyal sa mga digital platform.

Ayon sa mga may-akda, hindi na sapat ang simpleng paggamit ng teknolohiya dahil nagagamit din ang mga bagong digital tool upang gumawa at magpakalat ng impormasyon na mahirap makilala kung totoo o peke.

Saklaw din ng iminungkahing asignatura ang pagsusuri sa impluwensiya ng politika at negosyo sa media, paraan ng pagpapakita ng mga isyu sa publiko, at papel ng iba’t ibang grupo sa pagkontrol at pagpapalaganap ng impormasyon.

Nais din ng mga mambabatas na matutong gumawa ang mga estudyante ng sarili nilang responsable at mapanuring media content sa halip na basta tumanggap lamang ng impormasyong nakikita online.

Ayon kay Co, dapat sanayin ang kabataan na magtanong, magsiyasat at hindi agad maniwala sa lahat ng nababasa o napapanood sa social media.

Binigyang-diin ng mambabatas na mahalagang mapaunlad ang kritikal na pag-iisip ng mga estudyante upang hindi madaling malinlang ng mga nagpapakalat ng pekeng impormasyon.

Giit ng mga naghain ng panukala, makatutulong ang critical media literacy upang maging mas responsable ang mga kabataan sa paggamit ng social media at mas aktibo sa pagsusuri ng mga usaping panlipunan.

Nasa yugto pa lamang ng paghahain sa Kamara ang House Bill No. 12061 at kailangan pang dumaan sa proseso ng Kongreso bago ito maaaring maging batas. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here